NAGING matagumpay ang idinaos na Walk For Life prayer rally ng Simbahang Katoliko nitong Sabado na dinaluhan ng libo-libong mananampalataya.
Sa pagtaya ng pulisya, nasa 4,000 indibidwal na ang dumalo sa aktibidad na nagsimula dakong alas-5:00 ng madaling araw.
Base sa ulat, nadagdagan at patuloy pang dumami ang mga nakilahok sa nasabing prayer rally sa pagpapatuloy ng aktibidad na idinaos mula 4:00 ng madaling araw hanggang 8:00 ng umaga sa Quezon Memorial Circle, sa Quezon City.
Mismong si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang nanguna sa aktibidad kabilang ang iba pang mga Obispo ng Simbahan.
Sa naturang aktibidad, umapela si Tagle sa mga mananampalataya na ingatan at pahalagahan ang buhay ng tao.
“Life is a gift to be appreciated. It is not a commodity to be manipulated, it is a gift from the tender love of God,” ani Tagle sa kanyang homiliya sa banal na misa na idinaos para sa prayer rally.
Ayon kay Tagle, nagsisimula ang buhay sa sinapupunan ng ina, na pinili ng Panginoon upang maging ‘human expression’ ng Kanyang pagmamahal at pagkalinga.
Maging ang pamilya, paaralan, mga parokya at lipunan ay maituturing din naman aniyang “sinapupunan” dahil lahat sila ay may bahagi sa pagpapalago ng buhay.
Pinaalalahanan naman ni Tagle ang mga magulang sa kanilang papel bilang mga guro at tagapagsulong ng pananampalataya sa kanilang pamilya.
“There cannot be any walk for life that doesn’t at the same time affirm the dignity, the humanity, of every woman. Ang pamilya ay isang sinapupunan din. Ang ating mga neighborhood, ang ating paaralan, ang ating parokya,” ani Tagle.
“Let our families and other communities that play the role of families to commit themselves to be the nurturing spaces of life and especially the life of faith, life of decency, [and] life of value,” dagdag pa ng cardinal.
Kaugnay nito, nagbabala naman si Tagle na ang kasakiman ay isang “disservice” sa lipunan na maaaring magresulta sa ka-matayan.
“Ang kamay ay nakapapatay kahit walang baril kapag mapagkamkam… patay. And it is a disservice not only to society but to creation,” aniya pa.
“Darating ulit ang eleksiyon. Sana ang walk for life ay maging walk… to have in our society a womb where the people, the community, the leaders would all share—sharing hands , wala ng kamay na mapagkamkam,” pahayag pa nito. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.