WALK OF FAITH IPAPALIT SA TRASLACION SA PISTA NG ITIM NA NAZARENO

WALA  pa ring magaganap na Traslacion sa kapistahan ng Itim na Nazareno ng Quiapo sa darating na Enero.

Sa halip ay magsasagawa ng tinatawag na Walk of Faith para sa mga deboto sa Enero 8.

Dadalhin ang imahe ng Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand para sa ‘Pagbibigay Pugay’ na ipinalit naman sa tradisyonal na ‘Pahalik.’

Hinihikayat ni Fr. Earl Allyson Valdez ang mga deboto na makibahagi sa Walk of Faith na gagawin sa bisperas ng kapistahan.

Magsisimula ang aktibidad matapos ang Banal na Misa ng hatinggabi ng Enero 8 sa Quirino Grandstand.

Inaayos pa ang pinal na ruta ng Walk of Faith.

Paalala ni Fr. Valdez na magdala ng kandila ang mga deboto at sumunod sa health protocols.

“Let us observe an orderly and peaceful procession mindful of physical distancing. We will not have the actual image of the Black Nazarene during the walk but we are inviting those who are planning to join to bring candles and small images of the Black Nazarene,” pahayag ni Fr. Valdez.