(Unang Bahagi)
SIMULA sa araw na ito, Agosto 15, Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Birheng Maria hanggang sa Setyembre 5, tatlong araw bago ang kanyang kaarawan, halina at pagnilayan natin ang kanyang buhay ayon sa Ebanghelyo. Tahakin natin ang labing-apat na estasyon sa buhay ni Maria bilang ina ni Jesus.
I. Ang Pagpapahayag ng Anghel kay Maria sa Pagsilang ni Hesus (Lc 1: 26-28, 35, 38)
Pagbasa
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang si Elisabet ay anim na buwan nang nagdadalang-tao, ang anghel Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang bayan sa Galilea, upang kausapin ang isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni David. Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”
Nagpatuloy ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo’y banal at tatawaging Anak ng Diyos.” Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.”
Pagninilay
Sa simula’t simula pa ang Diyos ay may plano na para sa atin. At para sa ikasasatuparan nito, niloob ng Diyos na ang tao ay Kanyang maging katuwang. Kasali tayo sa Kanyang mga nilikha at ang ating kakanyahan sa Kanyang paningin ang paghahandang ginawa ng Diyos upang tayo ay Kanyang maging katuwang, kasama, at katulong sa patuloy na paglago, pagyabong at pag-unlad ng mundo, na siyang bahagi at detalye sa Kanyang plano. Isa sa mga patunay nito ay ang pagdalaw ng anghel kay Maria, kung saan ay ipinamalas ng tao ang kanyang pagkakaroon ngkapasidad at kakayahang makiisa sa kung anuman ang plano ng Diyos para sa sangkatauhan, lalo na para na rin sa ating kaligtasan. Sa pagsisimulang ito ng ating pagtahak sa landas ng buhay ni Maria, ang ina ng ating Panginoong Hesukristo at ina rin nating lahat, matutunan nawa natin at mapagsumikapang matularan ang mga ibinunga ng kanyang pagtugon at pakikiisa niya bilang kabataan na niloob sundin ang utos ng Diyos, bilang ina na niloob makiisa sa plano ng Diyos at bilang nilalang ng Diyos na nagpamalas na posible, puwede at maaari tayong maging tapat sa harap ng Diyos. Ang tanging paanyaya lamang sa atin ay ang pagbubukas ng ating sarili, ang ating kapakumbabaan at pagkakaroon ng malasakit. Sa pagkakaroon ng busilak na puso, si Maria mismo ang ating tagapagpatotoo na puwede tayong maging katuwang ng Diyos at sa ating pagiging kaisa Niya, hindi lang natin mararanasan ang pag-abot sa ating pangarap kundi higit pa rito ang ating matatanggap sa Kanya.
II. Ang Pagdalaw ni Maria kay Elisabet (Lc 1: 41-45)
Pagbasa
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. Napasigaw siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?
Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan.
Pinagpala ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon!”
Pagninilay
Ang mga biyayang tinatanggap natin dahil ito ay nagdudulot ng kagalakan at kabuluhan sa ating buhay ay marapat lamang nating ibahagi sa iba sapagkat sa pamamagitan nito naipakikilala rin natin sa iba ang kabutihang loob ng Diyos. Ang pagdalaw ni Maria kay Elisabet ay hindi lamang maituturing na pagdamay kundi pagkakataon din upang ibahagi ang kagalakang dulot ng Diyos sa kanilang dalawa.
Kinilala nila ang hindi maipaliwanag na biyaya ng Diyos, ang bunga ng kanilang pagdadalang-tao. Ang pagsaksi ni Maria sa kadakilaan ng Diyos at pagbabahagi nito sa iba lalo na sa mga taong higit na nangangailangan ay patunay lamang na gayun din ang nararapat nating maging pag-uugali dahil ang bawat biyayang ipinagkatiwala sa atin ay nagiging makahulugan kung makakaabot din ito sa iba at hindi lamang mananatili sa ating mga palad. (Itutuloy)
Comments are closed.