WALKING WITH MARY

tinig ng pastol logo

(Ikalawang Bahagi)
III. Ang Pagsilang Kay Hesus ni Maria (Mt 1: 18-21, 24-25)

Pagbasa
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo.
Ito ang naganap nang ipanganak si Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nagdadalang-tao na si Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Subalit dahil isang matuwid na tao si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan si Maria nang palihim. Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Hesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Hesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.

Pagninilay
Ang biyayang dala ni Maria ay hindi lamang para sa kanyang sarili, hindi lamang para sa kanyang kapakinabangan, at hindi lamang para sa kanyang karangalan. Ang biyayang kanyang tinanggap mula sa Diyos ay regalo para sa sangkatauhan, ang Diyos ay nagkatawang tao para sa ating lahat. Isinilang ni Maria ang biyaya upang makipamayan sa atin. Dito natin makikita ang maaaring ibunga ng pagtutulungan ng Diyos at ng tao; kung mananatili lamang sa katapatan ang tao at kung mapapanatili rin niya ang pagtitiwala ng Diyos. Maraming posibilidad na puwedeng humantong sa pagsasakatuparan kung susunod lamang tayo katulad ni Maria kung saan ay malaya niyang ibinigay ang kanyang pagkatao at buhay upang maging kasangkapan at katuwang ng Diyos sa paghahanda sa sangkatauhan sa pagtatamo ng kaligtasan. Si Hesus ay ang biyaya na maaari ring manahan sa ating buhay at pagkatao kung matutularan natin si Maria sa kabanalan, kapakumbabaan, at kahandaang sundin ang kalooban ng Diyos. At hindi lamang sa pagsilang ni Hesus tumigil ang lahat, bagkus nagpatuloy pa ito dahil ang biyaya kapag pinagkatiwala at naging maganda ang pagtanggap ng may pagpapahalaga, ito ang magpapabago ng ating buhay mas lalong magpapalapit sa atin sa Diyos.
IV. Ang Pagtanggap ni Maria sa Pagdalaw ng mga Pastol sa Sanggol na si Hesus (Lc 2: 16-19)

Pagbasa
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nagmamadali silang pumunta roon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at naroon ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Nang makita ng mga pastol ang sanggol, isinalaysay nila ang sinabi ng anghel tungkol dito. Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito’y kanyang pinagbulay-bulayan.

Pagninilay
Isang katangian ni Maria na kanyang ipinamalas sa sandaling ito ay ang pagpapahalaga sa mga bagay na kanyang napakinggan. Hindi maiaalis na magkaroon tayo ng sariling pananaw sa mga nangyayari sa ating buhay subalit lalong nagpapatibay sa ating paninindigan ang maaari ring isiwalat, ikuwento at ibahagi ng iba. Naging bukas si Maria sa kuwentong ibinahagi ng mga pastol na bumisita kay Hesus at nagbigay ito ng kaliwanagan sa kanya upang isantabi ang agam-agam na sabihing kathang-isip lamang ang lahat. Pinatotohanan ng pagbisita ng mga pastol na ang pananampalataya sa Diyos ay buhay, bumubuhay at nagbibigay buhay. Kung kaya naman, ang pananalig sa Diyos ay kay gandang panghawakan, gamiting inspirasyon at pamantayan ng buhay.
V. Ang Pagpapahayag ng Hula ni Simeon kay Maria sa Magiging Buhay ni Hesus (Lc 2: 25-28, 34-35)

Pagbasa
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala’y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Hesus upang tuparin ang ayon sa itinatakda ng Kautusan, kinarga ni Simeon ang sanggol. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”

Pagninilay
Hindi lamang magandang balita ang isinapuso ni Maria, bahagi rin ng kanyang dinadala ang isang mapait na katotohanang sasapitin ni Hesus balang-araw ayon sa propesiya ni Simeon. Ang pagtanggap kay Hesus ay tunay ngang hindi madali, hindi lamang ito puro saya at ginhawa kundi kasama rin dito ang pagbata ng hirap at sakripisyo alang-alang sa ating pagsaksi, pagsunod, at pagsasabuhay sa turo at halimbawa ni Kristo. Ang Kanyang pagpapakasakit sa krus ang nagdala sa atin sa kaligtasan kung kaya may katuturan ang Kanyang pag-aalay ng buhay. At para sa atin, tulad ng propesiyang tinanggap ni Maria kay Simeon, tayo naman ay inaasahang pag-iingatan at pahahalagahan ang sakripisyo ni Hesus alang-alang sa sangkatauhan. Hindi takot ang nais ipaabot ni Simeon, hindi rin ito babala kundi katotohanan na sa oras lamang na maisakatuparan ang lahat ay doon lamang natin lubos na mauunawaan.
VI. Ang Pagtakas ng Banal na Mag-anak Patungong Ehipto (Mt 2: 13-15)

Pagbasa
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Bumangon ka’t dalhin mo agad sa Ehipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga’t hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin.” Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Ehipto ang kanyang mag-ina. Doon sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.”

Pagninilay
May mga pagkakataon na kailangan nating ipagtanggol at pag-ingatan ang ating pananampalataya lalo na sa mga sandaling layunin ng iba ay baligtarin ang katotohanan. Ang ating paninindigan at katapatan sa turo ng Simbahan at ni Hesus ay mahahalagang hakbang upang hindi tayo matangay sa anumang panlilinlang. Subalit hindi lamang ang ating sarili ang dapat nating sagipin dahil may kapwa pa rin tayong dapat isaalang-alang na suportahan at gabayan sa pamamagitan ng ating patuloy na pagsasabuhay sa turo at halimbawa ni Hesus. Naging paraan nina Maria at Jose na itago si Hesus sa Ehipto. Sa kasalukuyan, ang pamamaraan natin ay ibayong pagninilay, panalangin at pagsasabuhay sa ating pananampalataya upang patuloy na manariwa sa atin ang katotohanang dulot nito habang patuloy ang pagbayo ng kasinungalingan, ng karahasan, at pagpapalawig ng kasamaan. Huhupa rin ang lahat, ang kailangan lamang natin ay maging mapagmatyag at maging matibay upang hindi matangay ng mga puwersang maaaring makapag-impluwensiya sa atin. Maging matatag nawa tayo sa pagsubok ng buhay na ating kinakaharap sa araw-araw katulad ng ipinamalas nina Maria at Jose, alang-alang kay Hesus.
(Itutuloy…)

96 thoughts on “WALKING WITH MARY”

Comments are closed.