WALKING WITH MARY

tinig ng pastol logo

(Ikatlong Bahagi)
VII. Ang Pagkabahala ni Maria at Jose sa Pagkawala ng Batang si Hesus (Lc 2: 41-50)

Pagbasa
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Taon-taon, tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta sa Jerusalem. Nang siya’y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. Sila’y umuwi na pagkatapos ng pista. Ang batang si Hesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang siya ay kasama ng pangkat, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Pagkatapos, siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit hindi nila natagpuan si Hesus. Kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. Pagkalipas ng tatlong araw, si Hesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya’y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot. Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot si Hesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako’y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?”Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niyang ito.

Pagninilay
Nawawala at nababawasan ang ating pananampalataya sa tuwing napapabayaan natin ang pagsasabuhay sa mga katuruan ng Simbahan at ng ating Panginoong Hesus. May mga pagkakataong naisasantabi natin ang ating pagdarasal, pagsisimba at pagtanggap ng mga sakramento, pag-aaral ng Bibliya at pagbabasa ng katesismo; kung kaya naman madali tayong natatangay, napaniniwala at nahihikayat ng ibang paniniwala o kung hindi man ng ibang ideolohiya. Hangga’t hindi natin masusumpungan ang kahalagahan ng ating pananampalataya at hangga’t hindi natin nakikita ang halaga nito sa ating buhay, mananatili tayong mahina, mangmang, at malayo sa Simbahan. Ang pagkawala ni Hesus ay nagbunsod ng pagkabalisa at pag-alala nina Maria at Jose. Hindi sila tumigil hangga’t hindi nila nakikita si Hesus. Maging tayo rin nawa ay maging katulad nila na walang tigil na hanapin at panumbalikin sa ating buhay ang presensiya ni Hesus at ang paggabay ng Simbahan. Halina at muling mamuhay sa piling ni Hesus.

VIII. Ang Pagpapalaki nina Maria at Jose kay Hesus sa Nazaret (Lc 2: 51-52)

Pagbasa
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Siya’y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya’y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. Patuloy na lumaki si Hesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Pagninilay
Walang magulang ang hindi nangangarap na maging maayos, malusog, matalino at may pangarap ang kanilang mga anak habang sila ay lumalaki. Sinasabi nga natin na ang tagumpay ng mga anak ay tagumpay din ng kanilang mga magulang. Habang lumalaki si Hesus, sina Maria at Jose ay nagpamalas ng maka-ina at maka-amang paglingap sa Kanya. Siya ay pinalaki nilang masunurin at masipag. Kung sa tingin natin na si Hesus lamang ang nakinabang sa mabuting pagtataguyod na ito, maging si Maria ay nakinabang din sa mabuting idinulot nito kay Hesus sapagkat sa pamamagitan nito ay nabubunyag unti-unti ang katotohanang kanyang pinagbubulay-bulayan simula ng kanyang isinilang si Hesus. Bilang mga magulang, pakatandaan natin na maging tayo rin ay natututo at nakikinabang sa ating karanasan habang pinalalaki natin ang ating mga anak. Ang sakripisyong ating inilalaan para sa kanila ay nagpapatatag din sa ating pagkatao. Ang kaligayahang dulot nito ay nagbibigay din ng saysay sa ating buhay. Kung kaya naman, napakahalaga ng papel ng magulang katulad nina Maria at Jose na kung ating gagawing mabuti at mahusay ay magdadala sa atin sa kabanalan. Ang maayos na pagpapalaki sa mga anak ay isang maka-Kristiyanong katangian dahil ito rin ang kanilang pakikibahagi sa paghahari at pamamayani ng pag-ibig, pag-asa, at pananampalataya sa kanilang sambahayan.

IX. Ang Pamamagitan ni Maria kay Hesus sa Kasalan sa Cana (Jn 2: 1-5, 7-9)

Pagbaba
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Nang ikatlong araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Hesus. Si Hesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. Naubos ang alak, kaya’t sinabi ng ina ni Hesus sa kanya, “Anak, wala na silang alak.” Sinabi ni Hesus, “Ipaubaya na lang po ninyo ito sa akin, Ginang. Hindi pa ito ang aking tamang oras.” Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.” Sinabi ni Hesus sa mga tumutulong doon, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” At pinuno nga nila ang mga banga na halos mag-umapaw. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Dinalhan nga nila ang namamahala, at tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig.

Pagninilay
Walang higit na maniniwala at magtitiwala sa isang anak kundi ang kanyang mga magulang. Ito ang ipinamalas na katangian ni Maria sa kasalan sa Cana lalo pa at ang kanyang mga kamag-anak ang malalagay sa kahihiyan kung magkukulang ang alak sa piging na kanilang pinagsasaluhan. Hindi niya pinangunahan si Hesus o inilagay sa alanganin kundi ito ang pamamaraan ni Maria upang ipakilala si Hesus. Ipinakita ni Maria na si Hesus ang pinagmumulan ng kaligayahan, ng pag-ibig at ng pag-asa. Isang salita ang binitiwan ni Maria, “sundin mo ang anumang ipagagawa Niya.” Si Maria, sa simula’t simula pa, ay lubos na naniniwala, nagtitiwala at nananampalataya kay Hesus at tanging sa ganitong pamamaraan niya ito ipinahayag, isang halimbawang maganda nating tularan sa pagpapakita ng wagas nating pananalig kay Hesus.

X. Ang Pagdalaw ni Maria kay Hesus (Lc 8: 19-20)

Pagbaba
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Dumating ang ina at mga kapatid ni Hesus, ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. Kaya’t may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; nais nilang makita kayo.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Ang mga nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ang aking ina at mga kapatid.”

Pagninilay
Hindi napuputol at hindi natatapos ang pagiging ina kahit na sumapit sa hustong gulang ang kanyang mga anak. Ang pagiging magulang ay habambuhay na tungkulin para sa kanilang mga anak. Kaya naman, ang pagdalaw ni Maria kung saan man naroon si Hesus ay bahagi ng kanyang pagtupad sa pagiging ina. Mahirap para kay Maria ang mawalay sa kanyang anak lalo pa at sa simula’t simula pa lamang ay marami na silang pinagdaanang pagsubok. Nalagpasan man nila ito noon, hangad pa rin niya ang kaligtasan at kaayusan sa buhay ni Hesus. Kaya nga naman, nang may mabalitaan si Maria tungkol kay Hesus, minabuti nitong suportahan si Hesus sa Kanyang misyon at siya mismo ang unang nagpamalas ng tiwala, paniniwala at pananampalataya sa maaaring magawa ni Hesus para sa sangkatauhan. Si Maria ang unang tagasunod ni Hesus na nagpatotoo na Siya ay anak ng Diyos.
(Itutuloy)

165 thoughts on “WALKING WITH MARY”

  1. 598287 310857I need to admit that that is 1 wonderful insight. It surely gives a company the opportunity to have in around the ground floor and truly take part in generating a thing particular and tailored to their needs. 744250

Comments are closed.