WALLET NA MAY P93K ISINAULI NG TAUHAN NG NAIA

IBINALIK ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang wallet na naglalaman ng  umaabot sa P100,000 na naiwan ng isang overseas  Filipino  worker sa loob ng comfort  room  sa paliparan.

Ayon sa impormasyon na nakalap ng PILIPINO Mirror mula sa opisina ng “Lost and Found  sa  NAIA,  naisauli ito matapos malaman nila ang address ng pasaherong si Marilyn Vallada sa Nueva Ecija.

Batay sa rekord, dumating si Vallada sa bansa noon pang Nobyembre 2017 sakay ng  Philippine Airlines (PAL) galing Japan, at pagkababa nito sa eroplano agad na nagtungo ito sa palikuran sa Terminal 2.

Paglabas ng palikuran ay nadiskubre niya na nawawala ang kanyang wallet na may laman na 19 na pirasong tig -10,000  Japanese yen at cash na umaabot sa  P93 libong piso.

Ayon kay Ginang Vallada, ang hinala niya nadukutan siya nang oras na iyon sa airport.

Nitong nakaraang linggo ay bigla na lamang siyang nakatanggap ng tawag mula kay NAIA Assistant General Manager Arnulfo Junio ng “Lost and Found” tungkol sa naiwan niyang  wallet sa CR  ng Terminal 2.

Ayon sa biktima, hindi niya inasahan na maibabalik pa ang kanyang perang pinagpaguran bilang entertainer sa Japan.

Ayon kay GM Junio, ang nasabing cash ay dapat ilalagay na sa treasury dahil wala namang nag-claim, ngunit nang mag-imbestiga ang Lost and Found sa PAL ticketing  ay nakuha ang contact number  ni Vallada kaya agad itong naipaalam sa kanya.

Sinabi ni AGM Junio, na bago nila ibigay sa treasury nagsasagawa muna sila ng masusing pag-iimbestiga upang maibalik ang pera sa mismong may-ari nito. FROI MORALLOS

Comments are closed.