HINDI na nakapalag ang isang puganteng French national nang maaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa mga kasong kinakaharap nito sa kanilang bansa na may kaugnayan sa iligal na droga.
Nadakip si Julien Barbier, 39-anyos ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Immigration’s (BI) Fugitive Search Unit,Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 3, Angeles District Field Unit (CIDG RFU3, CFU), Intelligence Service, Armed Forces of the Philippines – Military Intelligence Group 41 (ISAFP MIG41) at National Capital Region Police Office – Regional Special Operations Group sa Cark International Speedway, Mabalacat City, Pampanga.
Sinabi ni BI FSU Chief Bobby Raquepo na inaresto si Barbier dahil sa impormasyon mula sa mga awtoridad ng French kung saan tinukoy na isa siyang wanted sa kanilang bansa.
Ayon pa kay Requepo, si Barbier ay mino-monitor na ng Interpol noon pang 2018 dahil sa pagta-transport, retention, offer, sale acquisition at paggamit ng droga sa labag sa batas sa ilalim ng Art 222-37 ng French Penal Code.
Dahil dito, isang warrant of arrest ang inisyus sa kanya ng Tribunal de Grande Instance de Paris noong Agosto 2017 habang isang European Warrant of Arrest ang inisyu pa sa kanya ng kaparehas na korte noong Setyembre 2017.
Gayundin, nakatanggap din sila ng impormasyon na si Barbier ay iniuugnay sa illegal bank fraud syndicate na nag-ooperate sa Pampanga at Cebu.
Si Barbier ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG CFU Angeles habang hinihintay ang resulta ng kanyang RT PCR testing. PAUL ROLDAN
Comments are closed.