WANTED: KALIHIM SA MGA BAKANTENG DEPARTAMENTO NG GOBYERNO

TAPOS  na ang ‘100 days honeymoon’ period ni Pangulong Bongbong Marcos, subalit hanggang ngayon ay wala pang itinalagang Secretary ng Department of Health (DoH). Dagdag pa rito ay ang pagbibitiw ni Sec. Trixie Angeles ng Office of the Press Secretary. Ganun din sa Department of National Defense (DND). Bagamat si PBBM ang kasalukuyang namumuno sa Department of Agriculture, sa palagay ko ay nararapat lamang na may maitalaga siyang opisyal na tututok sa nasabing departamento sa susunod na anim na taon.

Kahapon, inuusig ni PBBM ang ating mga kababayan na siguraduhin na magpa- booster shots laban sa Covid-19. Ito ay dulot ng napabalitang bagong variant ng nasabing virus na ‘immune-evasive’ daw ito ng Omicron subvariant XBB at XBC na nasa ating bansa na.

Subalit hanggang ngayon ay wala pang naitalagang Secretary ng DoH. Sa kasalukuyan, si Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang pansamantalang officer-in-charge. Sa totoo lang, mahalaga na may ma-appoint na si PBBM na mamumuno ng DoH dahil malayo pa upang masabi na ligtas na tayo sa banta ng Covid-19.

Maliban dito ay ang iba’t iba pang pangangailangan ng ating kababayan sa iba pang kumakalat na sakit dulot ng tag-ulan. Ang patuloy na supply ng gamot at pangangailangan sa ating mga pampublikong ospital ay kailangan din tugunan.

Kung sasabihin ninyo na may OIC naman sa DoH, eh ‘di dapat lahat ng mga itinalagang miyembro ng gabinete ay ginawang OIC na rin.

Maliban dito, tulad ng ang komentaryo kamakailan, dapat ay may ma-appoint na rin si PBBM kung sino ang susunod na kanyang Press Secretary. Ganun din sa Department of National Defense (DND). Ang kanilang OIC ay si Usec Jose Faustino.

Sa ngayon ay itinalaga si Usec. Cheloy Garafil bilang OIC ng OPS. Subalit hindi makagalaw ng mabuti dahil sa kanyang kasalukuyang estado. Ganun din kay DoH Usec. Vergeire at DND Usec. Faustino. Ang kanilang mga kautusan ay maaaring palitan o baguhin kapag pinalitan na sila ng opisyal na mamumuno ng nasabing departamento.

Naiintindihan ko noong umpisa ang matumal na paglabas ng mga presidential appointee ng ating pangulo. Subalit kakaiba na ang nangyayari. Kung ating ihahambing ito sa mga nakaraan ng mga administrasyon. Sa loob ng tatlong buwan ay hindi pa kumpleto ang kanyang gabinete.

Kung ang dahilan sa mabagal na paglabas ng appointments sa mga posisyon ng gobyerno ay dulot ng masusing pagsalang at pagpili sa mga indibidwal na tunay na kwalipikadong opisyal na maninilbihan sa sambayanan, aba’y masasabi nating medyo natutulog na yata sila sa pansitan.

Ang pagbigay ng tiwala at suporta ng mayorya ng sambayanan sa ating pangulo ay may limitasyon. Dati ay hindi kumakapit ang mga batikos na ibinabato ng oposisyon kay PBBM noong panahon ng kampanya. Subalit may tinatawag tayong ‘walang forever’. May hangganan din ito.

Huwag sanang umabot na ang mahigit na 31 milyon na Pilipino na bumoto kay PBBM ay madismaya sa mga pangakong sinabi niya noong panahon ng eleksyon. Naniniwala ako na bukas pa ang kaisipan at pasensya ng mga nakararaming Pilipino na may mga magandang mangyayari sa ating bayan sa administrasyon ni PBBM. Subalit tulad ng gamot…may expiration date rin ito.