WANTED NA ABU SAYYAF NASAKOTE SA NAIA

ISANG hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa mga kasong kidnap for ransom mula pa ng 2021 ang inaresto ng mga tauhan ng pinagsanib na puwersa ng Pasay City Intelligence Section at ng Warrant and Subpoena Section nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Pasay City police chief Col. Cesar Paday-os ang suspek na si Hajar Binabdul Mubin a.k.a. Abu Asries, Meiradz, Muadz at Mudadz, 30-anyos, tubong Bubuan Island, Basilan.

Base sa report na isinumite kay Paday-os, dakong alas -11:30 NG gabi makaraang makalapag ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang kanyang sinasakyang eroplano galing ng Malaysia.

Ang pagkakaaresto kay Mubin ay bunsod sa inilabas na warrant of arrest na inisyu ni Zamboanga Regional Trial Court (RTC) Judge Peter Eisma ng Branch 15 kaugnay sa kasong kidnapping for ransom na walang inirekomendang kaukulang piyansa ang inihain laban sa kanya.

Ayon kay Paday-os, naisagawa ang pag-aresto kay Mubin makaraang makatangap ang pulisya at ilan pang ahensiya ng gobyerno sa isinagawang intelligence operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Sinabi naman ni Southern Police District (SPD) Director Brig. Gen. Jimili Macaraeg na si Mubin ay panasamantalang nakapiit sa District Special Operation Unit (DSOU) habang naghihintay ng kanyang commitment order na ilalabas ng Zamboanga RTC.

Sa isinagawang background check kay Mubin, sinabi ni Macaraeg na si Mubin ay isang miyembro ng ASG na nakabase sa Basilan sa ilalim ng Furiji Indama at sangkot sa apat na pakikipag-engkuwentro sa mga militar.

Ani Macaraeg, nilisan ni Mubin ang kanyang grupo noong 2015 at nagtago sa Malaysia para makaiwas sa kanyang pag-aresto at pagharap ng kanyang kaso sa korte.

Napag-alaman din na si Mubin ay nakakuha ng pekeng residence card habang nagtatago sa Malaysia at gumawa ng kanyang Facebook sa ilalim ng kanyang pangalang alyas na Mieradz Zhiadqie IV na isang pamamaraan upang maipagpatuloy ang kanyang komunikasyon sa kanyang mga dating kasamahan sa ASG.

Sa imbestigasyon kay Mubin ay sinabi nito na naaresto siya ng Malaysian police noong Agosto 2017 kasama ang pito pang Pilipino dahil sa kanyang partisipasyon sa pagsasagawa ng terror attack sa isinasagawang Southeast Asian Games at selebrasyon ng Merdeka (Malaysia Independence Day) sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Dagdag pa ni Macaraeg na si Mubin ay inaresto rin ng mga Royal Malaysian police sa Taiman Desa Balduri, Cheras, Kuala Lumpur noong Agosto 2017 dahil naman sa kanyang pagkakasangkot sa aktibidad ng mga terorista. MARIVIC FERNAN­DEZ/F. MO­RALLOS/MHAR BASCO