WANTED NA ALEMAN IPADEDEPORT

NAKATAKDANG ipa-deport ng Bureau of Immigration ang isang German National na wanted ng awtoridad sa Berlin dahil sa iba’t-ibang kaso ng pandaraya.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang pugante na si Lindner Hans Dieter, 76-anyos na kasalukuyang nasa kustodiya ng kagawaran kasunod ng kanyang pagkakaaresto sa Bgy. Parada, Valenzuela City.

Inaresto ang German national ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) sa bisa ng warrant of deportation na inisyu ng BI.

Sinabi ni Morente na ang nasabing warrant ay alinsunod sa summary deportation order na inisyu laban kay Dieter noong Disyembre ng nakaraang taon dahil sa pagiging undesirable alien.

“We will immediately send him out of the country, as it has already been proven that he is an undesirable alien due to his crimes. He has been placed in our blacklist and banned from reentering the Philippines,” ayon sa BI chief.

Napag-alaman na dumating si Dieter sa bansa noong pang Nobyembre 2, 2016 at hindi naisipan nito na umalis o mag-renew o kaya magpa-extend ng kanyang tourist visa habang nasa sa Pilipinas.

Ayon sa report na ipinarating ng German authorities sa pamunuan, si Dieter ay mayroon outstanding arrest warrant na inisyu ng public prosecutor’s office sa Heidelberg, Germany noong Oktubre 20, 2020.

At hinatulan itong guilty sa banking and financial fraud at delayed filing of insolvency and bankruptcy declaration noong Nobyembre 2013.

Si Dieter ay pansamantalang naka-detain sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang ina­antay ang kanyang deportation Order ng BI Board of Commissioners. FROILAN
MORALLOS