WANTED NA DAYUHAN NALAMBAT NG BI

ZAMBOANGA DEL NORTE- NALAMBAT ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa lalawigang ito ang isang American pedophile na wanted sa kanilang dahil sa kasong child molestation.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Bradley John Moore, 49-anyos na nadakip nitong Huwebes sa Dapitan City, Zamboanga del Norte ng Bureau’s fugitive search unit (FSU) sa kanyang pinagtataguang bahay.

Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Sy, si Moore ay kinokonsidera na isang overstaying alien at kinakailangan agad na pabalikin sa America upang panagutan ang kanyang pagkakasala sa batas.

Ayon pa kay Sy, dumating si Moore sa Manila noong Disyembre 6, 2020, at nadiskubre sa BI record na hindi na ito umalis hanggang sa kasalukuyang.

Dagdag pa ni Sy, si Moore ay may nakabinbin na Warrant of Arrest na inisyu ng District Court ng Mckinney sa Texas sa kasong aggravated sexual assault, at three counts ng indecency at sexual contact sa kanyang biktima.

Si Moore ay pansamantalang nakakulong sa Dapitan City Police Station habang inaantay ang paglipat sa kanya sa BI Warden facility sa Camp Bagong Diwa,Taguig City kung saan isasagawa ang deportation proceedings ng BI Board of Commissioners. FROILAN MORALLOS