WANTED NA KOREANO, TSINO IPADE-DEPORT

comm-Jaime-Morente

MAYNILA – NALAMBAT na ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at nakatakda na ring pabalikin  sa kani-kanilang bansa ang isang Korean at Chinese  na kapuwa wanted sa batas dahil sa panloloko at paggamit ng investment scams na Bitcoin at iba pang kaso.

Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente, naaresto ang dalawa sa magkahiwalay na operasyon ng mga operatiba ng Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU) sa  Las Piñas at Maynila.

Kinilala ni BI FSU Chief Bobby Raquepo ang Korean na si Go Yongsung, 48, at Chinese na si Lian Lilong, 36.

Si Go ay naaresto sa kanyang bahay sa Vanessa Street, Las Piñas City dahil sa pagiging wanted nito sa kasong large-scale fraud at may arrest warrant na inisyu ang Suwon District court sa Korea laban sa kanya.

Nakipagsabwatan umano si Go sa lima pang suspek upang makapanloko ng kapuwa Korean ng mahigit 37 billion won (US$33 million) gamit ang isang kompanya na nag-oope­rate sa Pasay City.

Pinangakuan umano nito ang kanyang mga biktima na kikita nang malaki ang kanilang investments kung bibili sila ng Bitcoins, isang uri ng cryptocurrency, at electronic cash.

Habang naaresto naman si Lian sa kanyang kuwarto sa Lido de Paris Hotel sa Binondo, Manila dahil sa pagkakasangkot nito sa econo­mic crimes.

Samantala, hinihintay na lamang na ­maproseso nang maayos ang kanilang mga dokumento at nakatakda na rin silang ipa­tapon pabalik sa kanilang mga bansa.   PAUL ROLDAN

Comments are closed.