WANTED NA MAY 37 KASO NG RAPE, SEXUAL ASSAULT NASAKOTE

ILOILO- ARESTADO ang itinuturing na most wanted person sa City level at No 2 Most wanted person ng Bulacan Provincial Police Office sa isinagawang law enforcement operation sa lalawigang ito.

Ayon kay San Jose Del Monte City police chief Col Ronaldo Lumactod, dumayo pa ang kanyang mga tauhan para madakip si Ronel Blanco Boholano sa Brgy. Ipil, Balasan, IloIlo City matapos na maberipika ng kanyang intelligence officer ang pinagtataguan nito.

Si Boholano, 41-anyos , rice dealer at tubong Balasan, Iloilo City ay may standing warrant of arrest sa kasong rape, Act of Lasciviousness at 37 counts ng sexual assault bago ito nagtago hanggang sa matutunton kamakalawa ng hapon.

Nabatid na nakatanggap ng intel report ang CSJDM PNP hinggil sa kinaroroonan ng suspek kaya matapos ang ginawang vetting process, agad na nagtungo ang mga tauhan ng Warrant Section sa pangunguna ni MSg Darwin S De Castro at nakipagtulungan sa PNP- RIU- 6 na pinamumunuan ni Lt. Col Ryan Bobby Paloma, PNP AKG Visayas Field Unit, IloIlo Satellite Office sa ilalim ni Lt Col Lowel Ber Ceralvo, Balasan MPS na hawak niCapt Alexander S Lauron, Sta. Barbara MPS, Ilo-Ilo PPO, PRO 6 sa ilalim ng pamumuno ni Maj Jose Rey S Pabalan, RMFB 6, 601st Coy sa pangunguna ni Capt Richard Esteral at Iloilo 1st PMFC na pinamumunuan naman ni Maj Joven Arevalo.

Si Boholano ay pakay ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Ma Cristina Geronimo Juanson, Presiding Judge ng RTC Branch 5FC, CSJDM, Bulacan na may petsang Setyembre 8, 2022 at walang piyansang inirerekomenda dahil sa kasong rape.

Pansamantalang nakadetini ang suspek sa Balasan MPS bago ibibiyahe mula Iloilo papuntang City of San Jose Del Monte City Police Station custodial facilities para sa kaukulang documentation bago ibalik ang hawak nilang warrant sa issuing court. VERLIN RUIZ