INARESTO ng mga operatiba ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSUO-NPD) ang isang sundalo sa bisa ng warrant of arrest sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni DSOU chief Lt. Col. Jay Dimaandal ang naarestong akusado na si Micheael Fulgar, 42-anyos, miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nakatalaga sa 2nd Infantry Division CAA Unit “DCAU” at residente ng 273 P. Zamora St. Barangay 19 Caloocan City.
Sa imbestigasyon ni SSg Paul Colasito, nakatanggap ang DSOU ng impormasyon mula sa NDIT RIU NCR na nakita ang akusado sa kanilang lugar na naging dahilan upang bumuo ng team ang DSOU sa pangunguna ni Capt. Melito Pabon.
Kasama ang 4th MFC RMFB, NCRPO at NDIT RIU NCR, pinuntahan ng mga operatiba ng DSOU ang naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa kahabaan ng P. Zamora Street dakong alas- 8:30 ng gabi.
Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong January 4, 2022 ni Hon. Judge Teodoro Nablo Solis ng Branch 25 Fourth Judicial Region RTC, Biñan Laguna para sa kasong paglabag sa (5(I)RA 9262 Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 na may inirekomenda ang korte na P27,000.00 piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Narekober sa akusado ang isang cal. 9mm Glock pistol na may magazine na kargado ng 14 pirasong bala at tatlong pirasong spare glock magazine na kargado ng 14 pirasong bala.
Ani Pabon, mahaharap ang akusado sa kasong paglabag sa Comelec Gun Ban dahil wala itong naipakitang COMELEC exemption mula sa COMELEC sa dalang baril sa labas ng bahay at nakasibilyan siya nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest. EVELYN GARCIA