WANTED NG MALABON NALAMBAT SA CALOOCAN

NALAMBAT ng mga tauhan ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) ang No. 11 Top Most Wanted Person ng Malabon City sa isinagawang manhunt operation sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Sa report ni DSOU chief Lt.Col. Jay Dimaandal kay NPD Director BGen. Jose Hidalgo Jr., nakilala ang suspek na si Jayson Lozano, 32-anyos, factory worker ng Sitio 6, Brgy. Catmon, Malabon City.

Ayon kay MSgt. Julius Mabasa, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng DSUO na nakita si Lozano sa Brgy. 70, Caloocan City na naging dahilan upang mag-dispatch ng mga operatiba sa naturang lugar para alamin ang naturang report.

Agad bumuo ng team ang DSOU sa pangunguna ni Lt. Melito Pabon kasama ang QCDIT, RIU-NCR saka isinagawa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Lozano dakong alas-9 ng umaga sa harap ng Cebuana Lhuillier sa Rizal Avenue Brgy., 70, Caloocan City.

Si Lozano ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Catherine Therese M. Tagle-Salvador ng Branch 73 National Judicial Region RTC Malabon City para sa kasong Murder noong 2008. VICK TANES