CARAGA REGION- ARESTADO ang squad leader ng New People’s Army (NPA) at isa pang miyembro matapos na ihain ang warrant of arrest sa magkahiwalay na operasyon sa Surigao del Sur at Agusan del Sur.
Ayon sa pahayag ni Maj Jennifer Ometer, Police Regional Office sa Caraga Region (PRO-13) information office chief, ang dalawang naarestong suspek ay nasa listahan bilang mga wanted person sa dalawang probinsiya.
“Ang mga suspek ay pawang may mga warrant of arrest na inisyu ng mga korte at sangkot sa ambush at harassment sa mga trooper ng gobyerno noong 2018 at 2020,” ayon kay Ometer.
Ang mga naarestong rebelde ay kinilalang sina sina Richard Gomes, 28-anyos ng San Luis, Agusan del Sur at Ronie Perez, 50-anyos ng Diatagon, Surigao del Sur.
Si Gomez ang itinuturong pinuno ng Squad 1, Platoon 1, Sentro De Grabidad, Guerrilla Front 88 sa ilalim ng North Central Mindanao Regional Committee ng NPA habang si Perez ay miyembro ng humihinang NPA Guerrilla Front 19 sa ilalim ng North Eastern Mindanao Regional Committee.
Ayon kay BGeneral John Kirby Kraft, Regional Director ng PRO-13, si Gomes ay itinuturing na topmost wanted na rebeldeng NPA sa antas ng munisipyo sa San Luis habang si Perez ay nasa top two priority target para sa Police Regional Mobile Force Battalion.
Dagdag pa ni Kraft na si Gomes ay nahaharap sa mga kasong frustrated murder sa isang Regional Court sa Bayugan City, Agusan del Sur habang ang warrant of arrest para sa tangkang pagpatay kay Perez ay inilabas ng korte sa Lianga, Surigao del Sur. EVELYN GARCIA