LAGUNA- NAGWAKAS ang apat na taong pagtatago sa batas ng isang wanted sa kasong pagpatay nang masakote sa pinagtataguan nitong hideout sa Merville Subdivision, Paranaque City nitong Huwebes ng gabi.
Batay sa pahayag ni Lt.Col. Randy Glenn Silvio, Laguna police director, nakilala ang suspek na si Ronilo Sanchez, 59-anyos at residente ng Poblacion, San Pedro City, Laguna.
Si Sanchez, ayon kay Silvio ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Allen Gamboa, 52-anyos , tricycle driver noong Hunyo 13, 2018 habang ang biktima ay nagmamaneho ng kaniyang e-bike sa Quezon St., Barangay San Antonio, San Pedro city.
Base sa record ng pulisya , inabangan umano ni Sanchez ang pagdaan ng biktima sa lugar na walang kabahayan saka nito pinagbabaril.
Sa isang tip na ibinigay ng police informant, agad na nagsagawa ng surveillance ang pulisya at sa pinagsamang puwersa ng San Pedro police unit at Regional Mobile Force company ng PNP ay mabilis na nadakip si Sanchez habang naghahanda itong tumakas.
Ang pagkakadakip sa suspek ay sa bisa ng warrant na inisyu ng tanggapan ni Hon. Presiding Judge Francisco Dizon Pano ng Regional Trial Court # 93 ng San Pedro city at walang piyansa na inirekomenda ang korte. ARMAN CAMBE