LAGUNA – MAKARAAN ang mahigit limang buwan pagtatago sa batas, bumagsak sa kamay ng pinagsanib na kagawad ng Sta.Cruz PNP at Laguna Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 34-anyos na lalaki na napapabilang sa Rank Number 1 sa Top Ten Most Wanted Person sa lalawigan ng Quezon dahil sa kinasasangkutan nitong kasong rape matapos magkasa ang mga ito ng operasyon kamakalawa ng umaga.
Ayon sa isinumiteng ulat ni PLt. Col. Armie Agbuya, hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang naarestong suspek na si Lawrence Manaman, alias “Ebok” with-live-in partner, walang hanapbuhay, tubong Brgy. Sto. Angel Norte, at pansamantalang naninirahan sa Sitio Maligaya, Brgy. Pagsawitan, sa bayang ito.
Alas-10:45 ng umaga ng magkasa ng operation Manhunt Charlie sa lugar ang mga tauhan ni Agbuya sa pamumuno ng nakatalagang Warrant Officer na sina PMSg. Rex Cabrera at PCpl. Algy Riguer.
Sinasabing sa harap ng kanyang kinakasama (nakatatandang kapatid ng biktima), agarang inaresto ng mga ito ang suspek bitbit ang Warrant of Arrest kaugnay ng nabanggit na kasong Rape noong nakaraang ika-3 ng buwan ng Setyembre matapos pagsamantalahan umano nito ang kanyang hipag na 18 anyos sa Brgy. Lalo, lungsod ng Tayabas.
Batay sa isinagawang background investigation ni Agbuya, lumilitaw na matapos maganap umano ang nasabing insidente, nagawang tumakas at magtago sa batas ng suspek kasama pa ang kanyang kinakasama kasunod ang isinagawang paghahain ng pamilya ng kaukulang kaso sa pulisya.
Kaugnay nito, hindi naman inaasahang magawang magpatiwakal ng biktima makalipas ang dalawang Linggo sa pamamagitan ng pagbigti nito sa kanyang sarili dahil sa matinding trauma na sinapit nito.
Samantala, mariin namang pinabulaanan ng suspek ang ipinaparatang sa kanya ng magulang ng biktima, ipaglalaban na lamang aniya nito sa korte ang naturang kaso. DICK GARAY
Comments are closed.