BINIGO ng War Cannon ang pagtatangka sa kasaysayan ng Nuclear Bomb sa impresibong panalo sa 3rd Leg ng prestihiyosong Triple Crown ng Philippine Racing Commission (Philracom) nitong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Nabigo sa unang dalawang leg ng torneo, siniguro ni jockey Kelvin “The Genius Rider” na hindi mapapabilang sa talaan ng mga magigiting na kampeon – kahit ngayong taon – ang Nuclear Bomb nang pasadahan niya ang War Cannon bago rumatsada sa huling sikad ng labanan tungo sa krusyal na panalo.
“Actually lahat ng leg gusto namin remate siya kaso may ugali siya kaya kinorect lang namin siya hanggang sa natuto noong 3rd leg,” pahayag ni Abobo.
Naibulsa ng mga tagapamahala ng War Cannon na sina owner Melain Habla, at multi-awarded trainer Ruben Tupaz ang pre-myong P2.1 milyon ng kabuuang P3.5 milyong nakatara sa karera bukod sa tropeo na dinisenyo ng pamosong artist na si Ramon Orlina.
Naitala ng War Cannon ang bilis na 2:07(23’-23’-26-26’-27’).
Sumagitsit sa top five finishers ang Kevlar, Gusto Mucho, King Tiger at Flattering You.
Sa 2021 Philracom Hopeful Stakes, nasilat din ng alaga ni businessman/sportsman Leonardo “Sandy” Javier na Shanghai Silk (Shanghai Bobby at Discreet Empire) ang liyamadong karibal para sa top prize na P900,000.
Sa kaagahan ng ratsadahan, nasa unahan ang Chrome Platter habang nakabuntot ang La Vie D’Or at Shanghai Silk. Sa huling ikot, kumilis ang Shanghai Silk para pangunahan ang 2000-meter race sa layong limang dipa sa bilis na 2:06.6 (24-24’-26-25-27).
Nakabuntot ang La Vie D’Or, O Sole Mio, at Tocque Bell.
Nangibabaw naman ang Isla Puting Bato sa Philracom 3YO Locally Bred Stakes na may distansiyang 2,000-meter. Nanaig ang alaga ni Mary Ann Tansengco, at sinanay nina Peter Aguila at jockey John Paul Guce.
Naorasan ang lahi na nagmula sa Eagle Scout at Sungold Sally sa 2:07.8(25-24’-25’-25-27) para sa premyong P600,000. Sumegunda ang top pick Hook On D Run kasunod ang Arrabiata, Kiss Muna at Stayinthemoment. EDWIN ROLLON
Comments are closed.