WAR CANNON SUMIKLAB SA PHILRACOM GRAND DERBY

war cannon

DINOMINA ng War Cannon ang mga karibal para tanghaling kampeon sa 2021 PHILRACOM-PCSO 3YO Locally-Bred Grand Derby nitong Linggo sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.

Mula sa pagiging ikalawa sa hulihan sa pagbubukas ng ruweda, ratsada ang War Cannon para lagpasan ang mga kalaban at gapiin ang mga maagang humataw na Flattering You, Arrabiata, Stayinthemoment at All Too Easy.

Tulad sa mga nakalipas na laban, padehado muna ang lahing nagmula sa Brigand-Ivanavinalot bago kumasa tungo sa impresibing panalo sa 1,800-meter race sa tiyempong 1:53.4 (13’-22-24’-25-28).

Naiuwi ng alaga ni Melaine Habla ang P1.8-milyon premyo. Nakabuntot ang Arrabiata, Isla Puting Bato at All Too Easy para sa premyong P600,000, P300,000 at P150,000, ayon sa pagkakasunod-sunod.

“With the win by War Cannon, Melaine Habla’s Brigand is now the year’s leading stallion nosing out erstwhile leader Oh Oh Seven of the Esguerra Farms and Stud,” pahayag ni PHILRACOM Chairman Aurelio ‘Reli’ de Leon.

“Esguerra Farms and Stud is still ahead in the Breeder of The Year race while their broodmare Hayley Rebecca remains at the top of her own category,” aniya.

Sa 2021 PHILRACOM Japan Cup (benepisyaryo ang Samahang Drivers/Operators ng Jeep Karatig ng Malolos), nagwagi ang Righteous Ruby (Revolutionary out of God Bless Slew) para sa premyong P600,000.

Nailista ng Righteous Ruby ang tiyempong 1:50.6 sa 1,800-meter race sapat upang kubrahin ng Cool Summer Stable ang premyo, habang napunta sa Raintree Starlet ang P200,000.

Nasa P100,000 at P50,000 naman ang hinamig ng third at fourth placers na  Our Tito at Chancetheracer, ayon sa pagkakasunod.                EDWIN ROLLON