MAGUINDANAO – IDINEKLARA ni Armed Forces of the Philippines (AFP) AFP Chief of Staff, Gen. Carlito Galvez Jr. na tapos na ang giyera sa pagitan ng militar at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Isinagawa ni Galvez ang deklarasyon sa kampo ng MILF na Camp Darapanan sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao.
Kasama ng AFP chief ang mga top military commanders ng AFP main headquarters at ng Western Mindanao Command at kanilang binisita ang kampo upang makipagpulong kina MILF Chairman Al Hajj Murad Ebrahim at sa iba pang MILF leaders.
Ayon kay Galvez, seryoso ang militar sa pagtulong sa pagsusulong ng kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng rebeldeng grupo sa ilalim ng pangangasiwa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagpahayag din si Galvez ng kanyang pagnanais na makatulong sa pagbuo ng Bangsamoro government matapos ang kanyang pagreretiro sa Disyembre.
“Once I hang my uniform puwede ko na ikampanya para isulong ang BOL [Bangsamoro Organic Law] sa lahat ng nasasakupan. ‘Yung challenges we will solve it, together we will make it happen. I will dedicate my service pro bono,” ani Galvez.
Inimbitahan din ng hepe ng militar si Ebrahim na bumisita rin sa punong himpilan ng AFP sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Sa panig naman ni Ebrahim, sinabi nito na si Galvez ay isang “kaibigan” ng mga Bangsamoro.
Ang naturang pulong ay dinaluhan ng nasa 6,000 miyembro ng MILF sa buong Mindanao. EUNICE C.
Comments are closed.