WAR MATERIALS NAKUMPISKA SA MI MEMBER

NASAMSAM  ang samu’t saring armas, improvised bomb at mga sangkap sa pampasabog sa bahay ng hinihinalang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Sultan Kudarat.

Ayon kay Lt. Col. Harold Cabunoc, komander 33rd Infantry Battalion, inaresto ng mga awtoridad si Lasian Manibpel.

Sa impormasyong ibinahagi sa media ni Cabunoc, sinalakay ng pulisya at militar ang bahay ni Manibpel matapos ang pagsabog sa labas ng isang simbahan sa Koronadal City noong Abril 29.

Ayon sa militar, miyembro umano ng MILF ang suspek batay sa identification card na narekober sa kanyang bahay.

Ilan sa mga nakumpiska sa bahay ni Manibpel ang isang bomba, rifle grenades, M16 rifle at dalawang shotguns.

Ayon kay Senior Supt. Nestor Salcedo, hepe ng South Cotabato police, ang mga sangkap sa pampasabog na nakuha sa bahay ng suspek ay kahalintulad ng bomba sa pagpapasabog sa Koronadal City.

Ani Salcedo, posibleng si Manibpel ang gumawa ng bomba na ginamit sa pagpapasabog sa labas ng simbahan sa naturang lungsod. VERLIN RUIZ

Comments are closed.