CAMP CRAME – SA kabila ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng “ninja cops,” naniniwala si Philippine National Police (PNP) Officer-In-Charge, Police lt. Gen. Archie Gamboa na mapagtatagumpayan pa rin nila ang giyera kontra droga.
Sinabi ni Gamboa bagaman maituturing na temporary setback lamang ang isyung kinakaharap ng police force ngayon at sigurado namang muli silang makababawi at ipagpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.
Aniya, isolated case ang kontrobersiya na nangyari bago pa man magsimula ang Duterte administration na seryoso sa pagsugpo sa illegal drugs at sa mga tiwaling pulis.
Gayunman, inamin ni Gamboa na naapektuhan ang kanilang buong puwersa at bumaba ang morale ng kanilang mga miyembro dahil sa ninja cops controversy na kinasasangkutan ng 13 dating tauhan ng Pampanga police na umano’y nagbenta ng 160 kilos ng shabu na nakumpiska mula sa operasyon noong 2013.
Noong Lunes ay pinunan ni Gamboa bilang officer-in-charge ang binakanteng puwesto ni PNP chief, General Oscar Albayalde, matapos madawit sa isyung kinasasangkutan ng mga dati nitong tauhan sa Pampanga Police Provincial Office.
Tiniyak naman ng PNP-OIC na “100-percent graft-free” at “bias-free” ang imbestigasyon sa ninja cops. EUNICE C.
Comments are closed.