‘WAR ON DRUGS’ NG PAMAHALAAN TULOY

TINIYAK kahapon ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na magpapatuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Abalos na personal pa siyang sasama sa mga drug raid upang ipakita sa mga mamamayan na seryoso sila sa layuning masugpo ang illegal drug trade sa bansa.

Aniya, nais nitong mabigyan ng motibasyon ang mga pulis upang tiyaking ang lahat ng operasyong gagawin ay alinsunod sa itinatakda ng batas.

“The drug war will be pursued relentlessly in accordance with the oath I will be taking and the basis of the Constitution. That’s it. I would like to mention to everyone in some of the drug raids sasama ako, sasama talaga ako rito to show people and to give motivation to our police and to show them ang gagawin mga raids is in accordance with the law. Yun ang sinabi ko sa ating kapulisan,” ayon pa kay Abalos.

Tiniyak rin naman ng kalihim na gagawin nila ang kanilang makakaya upang maging matagumpay ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.

Sisiguruhin din nito na matibay ang mga isasampang kaso laban sa mga mahuhuling drug suspect upang hindi mabalewala at matiyak na mapapanagot ang mga ito sa batas.

“We will try our best, we will really do our best. Siguro I will give emphasis aside from the police, yung sinasabi ko kanina. We will make sure na airtight ang kaso kasi maski manghuli ka na manghuli pero kung karamihan dismissed, balewala ito,” aniya.

Kasabay nito, pinuri ni Abalos si dating Interior Secretary Eduardo Año dahil sa mahusay na pagganap nito sa kanyang trabaho bilang kalihim ng DILG, lalo na pagdating sa anti-illegal drugs campaign, gayundin si Philippine National Police (PNP) Acting Chief PLTGEN Vicente Danao, Jr..

“The former DILG Secretary did well in the anti-illegal drugs campaign. Itutuloy lang natin ‘yun but we will put greater focus in building up strong cases against illegal drug suspects to ensure that no cases will be dismissed and they will be spending the rest of their lives behind bars,” ani Abalos.

“Maganda ‘yung ginawa ni General Danao, and I commend you and the PNP for the war against drugs.

Aside from the law enforcement aspect, we should get to the root causes of the anti-illegal drugs problem and address all of these things in collaboration with other agencies of the government and stakeholders — unemployment, education, family, and a host of other issues,” dagdag ng DILG chief.
EVELYN GARCIA