ISANG magandang pagkakataon para sa administrasyong Duterte upang makapagpaliwanag at ihayag ang kanilang panig hinggil sa isasagawang imbestigasyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa madugong war on drugs sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng Permanent Committee on Public Affairs, ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), hindi dapat na tumutol ang pamahalaan sa imbestigasyon.
Maganda pa nga aniyang pagkakataon ito upang mapatunayan ng kasalukuyang administrasyon na walang anumang paglabag sa karapatang pantao ang Filipinas.
“I think this the opportunity for the government also to clarify issues and to instill the minds of the Filipino na wala naman talagang nangyayaring violation of the human rights,” pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Magugunitang pinaboran ng UNHRC ang resolusyong isinusulong ng Iceland kasabay ng ika-41 pagpupulong sa Geneva, Switzerland noong Hulyo 11, kung saan 18 sa 47 mga kasaping bansa ng UN ang bumoto pabor dito.
Sa dalawang pahinang resolusyon, kinakailangan gumawa ng report si UN human rights chief Michelle Bachelet tungkol sa usapin ng mga paglabag sa karapatang pantao sa Filipinas bunsod ng giyera kontra droga.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi wasto ang nilalaman ng resolusyon at walang basehan ang mga impormasyong nakuha ng UN.
Aniya pa, ang inaprubahang resolusyon ng UN ay upang ipahiya ang Filipinas sa pandaigdigang komunidad, subalit sinabi ring pag-aralan ng Pangulo ang mga dokumento bago magdesisyon kung papayagang ipagpatuloy ang imbestigasyon.
Naniniwala naman si Secillano na sa gagawing imbestigasyon ng independent body ay matutukoy ang katotohanan sa kabila ng mga alegasyong kinakaharap ng pamahalaan.
“Kung tutuusin ito ay imbestigasyon lang naman e, so madedetermina dito kung ano ba talaga ang totoo sa likod ng mga pangyayaring yan. ‘Yun nga lang hindi natin binibigyan ng pagkakataon yung sana magtutukoy sa katotohanan,” dagdag pa ng Pari. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.