HINDI bababa sa 30 na firetruck ang kinailangang rumesponde sa isang sunog na tumupok sa warehouse ng collectibles, furniture, at tissue paper kamakalawa ng gabi sa Canumay Valenzuela.
Batay sa report ang sunog ay nagsimula dakong alas 9:30 ng gabi, ayon sa volunteer group na TXT Fire Philippines.
Itinaas agad ang unang alarma bandang alas-9:41 at inakyat sa ika-4 na alarma ng alas-10:22 ng gabi, base sa bulletin ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Idineklara itong fire under control ng BFP dakong ala- 1:48 ng madaling araw nitong Linggo.
Ayon sa fire volunteer, nahirapan silang apulahin ang sunog dahil sa pumuputok na kable sa loob ng warehouse at hindi mapasok kaagad dahil sa lakas ng apoy.
Nahirapan din umano sila dahil kinulang sila sa suplay ng tubig.
Nabatid na gawa sa light materials ang ibang laman ng warehouse na siyang dahilan upang mabilis na kumalat ang apoy.
Hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ng BFP kung magkano ang naging pinsala sa nabanggit na sunog at kung ano ang pinagmulan nito.
EVELYN GARCIA