TINATAYANG nasa P2 milyon halaga ang naging pinsala sa ari-arian matapos sumiklab ang sunog sa isang warehouse ng toothpaste at sabon sa Malabon City kahapon ng madaling araw.
Ayon sa Malabon Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-12:56 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa warehouse ng Prime One Packing Design Corporation na matatagpuan sa No. 11 Mango Road, Brgy. Potero.
Mabilis namang rumesponde sa naturang lugar ang mga fire trucks at iba’t-ibang fire volunteers para maagapan na hindi kumalat ang apoy sa mga katabing kabahayan.
Rumesponde rin sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 para tumulong sa pagpapanatili ng peace and order at makontrol ang pagdami ng mga tao.
Umabot sa unang alarma ang sunog na idineklarang fire-out dakong 1:51 ng madaling araw kung saan wala namang napaulat na nasawi o nasaktan sa insidente.
Wala rin nadamay na mga kabahayan sa sunog kung saan inaalam pa ng BFP ang naging sanhi ng insidente.
Ito na umano ang ikalawang pagkakataon na nasunog ang warehouse matapos itong madamay sa nasunog na katabing establishment noong 2020. EVELYN GARCIA