ISABELA – NASA hot water ang isang pulis nang aksidente niyang matamaan ang isang tricycle driver nang mag-warning shot sa Barangay Naganacan, Cauayan City.
Sinabi ni Sr. Insp. Soaimo Zambrano, chief ng investigation section ng Cauayan City Police, inihahanda na ang kaso laban kay PO1 Michael Joaquin kasunod ng pagsusuri na walang kaukulang lisensiya ang kaniyang ginamit na cal. 45.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang maaring kaharapin ni Joaquin
Nauna nang nasampahan ng kasong homicide ang rookie cop makaraang mabaril at mapatay ang biktima na si Erwin Dumrique, 42-anyos.
Umaawat lamang si Joaquin sa pakikipag-away ng biktima at nag-warning shot subalit tinamaan si Dumrique.
Ipinasuri ang baril na ginamit ni Joaquin sa Firearms and Explosive Division sa Camp Crame at natuklasang wala itong kaukulang lisensiya.
Nagpiyansa ang pulis sa kasong homicide at sa ngayon ay nasa pangangalaga ng Quirino Police Provincial Office upang kaharapin ang kasong administratibo at hindi na makabalik sa Nagtipunan Police Station kung saan siya nakatalaga. IRENE GONZALES
Comments are closed.