WARRANT AT HDO VS TRILLANES MANANATILI

trillanes

MANANATILI  ang warrant of arrest at hold departure order (HDO) ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 150 laban kay Senador Antonio Trillanes IV.

Ibinasura ng korte ang motion for reconsideration na inihain ni Trillanes na bawiin na ang nasabing warrant of arrest at HDO.

Sinabi ni Atty. Diosfa Valencia, clerk of court ng Makati RTC Branch 150, hindi nakumbinsi si Presiding Judge Elmo Alameda na dapat nang bawiin ang warrant of arrest dahil bigo pa rin ang kampo ni Trillanes na makapagprisinta ng sapat na ebidensya nang ito ay nag-apply ng amnesty sa kasong rebelyon.

Ang pagbasura sa motion for reconsideration ni Trillanes ay nakapaloob sa kautusan ni Judge Alameda na inisyu noong Disyembre 18 at nang idinaan sa koreo ay kamakailan lamang natanggap ng DOJ at ng kampo ni Trillanes.

Samantala, hindi naman makukulong si Trillanes kahit nananatili ang nasabing arrest order dahil pansamantalang nakalaya ito  matapos magpiyansa ng P200,000 sa kasong rebelyon.

Kahit na may HDO, pinayagan din ni Judge Alameda si Trillanes na makalabas ng bansa dahil nakitaan naman na walang panganib na tatakasan nito ang kasong kinakaharap.

Nasa Europe simula pa noong Disyembre at ngayong Enero ay nasa Amerika ang nasabing senador.

Wala pang petsa sa paglilitis ang korte para sa nasabing kaso.

Comments are closed.