WARRANT OF ARREST ISINILBI KAY QUIBOLOY

INAASAHANG ilala­tag ng DILG at PNP ang naging timeline mula sa paghahanap kay Quiboloy para silbihan ng warrant of arrest.

Bago dumilim kahapon ay unti-unti nang nag-pull out ang mga pulis sa KOJC Compound habang nakikitang ilang miyembro ang nakipag-fist bump sa kanila na ibig sabihin ay ” all well that ends well.”

Gayundin, sinabi ni Police Region Office 11 Director BGen Nicolas Torre III na hindi na isyu kung sumuko o naaresto si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy dahil ang mahalaga ay hawak na ng awtoridad at napatunayan ang kanilang assessment na nasa bansa lamang ang kanilang pinaghahanap ilang Linggo na ang nakakalipas.

Naniniwala rin si Torre na ngayong hawak na ng awtoridad si Quiboloy upang bigyan ng tiyansa ang sarili sa mga kaso nito, magagamot na ang naging iringan nila ng KOJC members.

Positibo rin na magkakapatawaran dahil sumunod lamang sila sa mandato habang iginiit na hindi sila kalaban ng religious group kundi sumusunod lamang sa korte na isilbi ang warrant of arrest kay Quiboloy.

Sakaling may kaharaping kaso, handa rin si Torre na sagutin ang mga ito.

Kahapon, napaulat ang pagsuko umano ni Quiboloy kay Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP)Chief Maj Gen. Edmundo Peralta.

Sa ambush interview, tumanggi si Torre na kumpirmahin ang pagsundo ng C-130 kay Quiboloy bagkus ay sinabing may nakita silang dumating na C-130 sa KOJC Compound Hangar at may  nag-utos na palabasin na ang mga sasakyan.

Ngayong hawak ng awtoridad si Quiboloy, nagpapasalamat naman si Torre sa mga taga-Davao City at mismong sa religious leader na napagtanto ang dapat gawin.

“Hindi kami nagkamali narito lang si Pastor,” ani Torre.

EUNICE CELARIO