WARRANT OF ARREST VS TRILLANES NASA PNP-NCRPO NA

trillanes

TAGUIG CITY – KINUMPIRMA ni National Capital Region Police Office Chief, Director Guillermo Eleazar na hawak na nila ang warrant of arrest para kay Sen. Antonio Trillanes IV kaugnay ng kasong libel na isinampa sa kanya ni dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.

Ayon kay Eleazar, nakipag-uganayan na sila sa office of the Sergeant-at-Arms ng Senado patungkol sa kaso ni Trillanes sa gitna ng kanilang hakbang sa pagtunton sa kinaroroonan ng nasabing senador.

Wala umano sa Senado si Trillanes noong Biyernes, gayundin sa bahay nito noong araw na iyon.

Ang kasong libel ni Duterte kay Trillanes ay dahil sa pag-uugnay umano nito sa kanya sa smuggling ng bilyong halaga ng shabu at extortion sa Uber at iba pang kompanya.

Itinakda naman ni Davao City Regional Trial Court Branch 54 Judge Melinda Alconcel-Dayang­hirang ang bail ni Trillanes sa halagang P24,000 kaya kailangan nitong maglagak nito ng P96,000 para sa apat na count ng libel na nakahain.

Sinabi naman ni Trillanes na handa siyang magtungo ngayong araw sa korte para magpiyansa habang unang iginiit ng senador na hindi siya dapat dakpin dahil may pribilehiyo siya na kapag nagka-session na alinsunod sa Art 6, Sect. 11 ng 1987 Constitution.

Nakatakdang bumiyahe si Trillanes papuntang The Netherlands, Spain at United Kingdom mula Dis. 11, 2018 hanggang Enero 12, 2019, at saka magtutungo sa  US mula Enero 27  hanggang Pebrero 10, 2019 na bahagi umano ng kanyang trabaho bilang senador. VERLIN RUIZ

Comments are closed.