WARRANT VS TRILLANES WALA PA

SEN-TRILLANES

HANGGANG sa kasalukuyan ay wala pa ring nailalabas na warrant of arrest hinggil sa kasong rebelyon laban kay Senator Antonio Trillanes sa kinakaharap nitong kasong rebelyon sa Makati City Regional Trial Court (RTC).

Nagtungo kahapon ang mga representante ng Department of Justice (DOJ) kay Makati RTC Judge Elmo Alameda ng Branch 150 na siyang may hawak ng kaso ni Trillanes ngunit nabigo ang mga ito na makakuha ng arrest warrant laban sa naturang senador.

Ayon sa tatlong pahinang ipinalabas na kautusan ni Judge Alameda, kailangan munang dinggin ang mga argumento na inihain ni Trillanes at kanya ring kinokonsidera ang pagbibigay ng “due process” sa akusado bago maglabas ng desisyon ang naturang korte.

Nauna na rito, nagbigay na ng takdang araw ng alas-9:00 ng umaga sa Setyembre 14 (Biyernes) si Judge Alameda upang dinggin ang urgent motion ng DOJ na maglabas ng warrant of arrest at hold departure order (HDO) laban kay Trillanes.

Matatandaan na nag-ugat ang kasong rebel­yon ni Trillanes dahil sa pagkakasangkot nito sa Manila Peninsula siege noong taong 2007 sa panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Base sa tatlong pahinang kautusan ni Judge Alameda, may tatlong rason kung bakit hindi siya agad naglabas ng warrant of arrest laban kay Trillanes.

Ipinaliwanag ni Judge Alameda na hindi siya nakumbinsi ng DOJ sa paghahain ng argumento kung bakit ex-parte o hindi na kailangan madinig pa ang panig ng akusado para isyuhan ng arrest warrant.

“While the motion has been denominated as ex-parte, the court after thoroughly considering the grounds and arguments raised therein is of the view that action on the motion without setting it for hearing would be definitely prejudice the right of the accused to due process.”

Batid ni Judge Ala­meda na may nakabinbing konstitusyunal na isyu sa Korte Suprema kaugnay ng pagpapawalang bisa sa amnestiyang iginawad kay Trillanes na  naging basehan kaya na-dismiss noon ang kasong rebel­yon laban sa mambabatas.

Sa nasabing pagdinig, mabibigyan ng pagkakataon si Trillanes na kontrahin ang pagpapaaresto sa kanya ng DoJ.    MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.