NAGPASABOG si Stephen Curry ng 37 points at napantayan ang season best nang magsalpak ng siyam na 3-pointers habang nakontrol ng Golden State Warriors ang third quarter tungo sa 117-99 panalo kontra Brooklyn Nets sa New York.
Sinamahan ni Curry si Ray Allen bilang ikalawang player na nagtala ng 2,900 career 3-pointers nang maipasok niya ang kanyang unang tres sa kaagahan ng first quarter.
Nangunguna si Allen sa listahan sa 2,973. Bumuslo si Curry ng 12 of 19 mula sa floor at nakabawi ang Warriors nang maputol ang kanilang seven-game winning streak noong Linggo sa four-point loss kontra Charlotte Hornets.
Nagdagdag si Andrew Wiggins ng 19 points para sa Warriors. Nag-ambag si Jordan Poole ng 17 habang nakakolekta si Draymond Green ng 11 points, 8 rebounds at 6 assists.
Umiskor si James Harden ng 24 points para sa Brooklyn, na nagmintis ng 17 sa 22 shots sa third period at bumuslo ng 38.6 percent overall. Tumipa si Kevin Durant ng 19 laban sa kanyang dating koponan.
CLIPPERS 106,
SPURS 92
Tumirada si Paul George ng 34 points at nagdagdag si Reggie Jackson ng 21 at tinapos ng Los Angeles ang 5-1 homestand sa pamamagitan ng panalo laban sa bisitang San Antonio.
Kumana si rookie Brandon Boston Jr. ng career-high 13 points para sa Clippers na nakabawi
mula sa nag-iisa nilang talo ngayong buwan, 100-90, sa Chicago Bulls noong Linggo. Kumalawit si Ivica Zubac ng 13 rebounds para sa Clippers kung saan nagtala ang Los Angeles ng 52-40 overall rebounding advantage laban sa mas maliliit na Spurs.
Bumuslo ang San Antonio ng 5 of 22 (22.7 percent) lamang mula sa 3-point range. Nagsalansan si Dejounte Murray ng 26 points, 12 rebounds at 9 assists at nalasap ng Spurs ang ikatlong sunod na pagkabigo at ika-6 sa huling walo.
JAZZ 120,
SIXERS 85
Umiskor si Bojan Bogdanovic ng 27 points, habang naitala ni Rudy Gobert ang kanyang ika-11 double-double sa season sa panalo ng Utah kontra Philadelphia sa Salt Lake City.
Sinamantala ni Gobert ang hindi paglalaro para sa Sixers ni Joel Embiid, na limang sunod na laro nang wala — pawang talo — dahil sa COVID-19 protocols.
Nagtala ang Jazz center ng 15 points, humugot ng 17 rebounds at sinupalpal ang apat na tira para tulungan ang koponan na magwagi sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa anim na laro.
Pinangunahan niya ang depensa ng Jazz na naglimita sa Philadelphia sa 36.7 percent shooting.
Gumawa si Shake Milton ng 18 points at nagdagdag si Tyrese Maxey ng 16 points para sa Sixers, na natalo ng limang sunod makaraang gumulong sa six-game winning streak. Ito ang ikalawang stop sa five-game road trip para sa Philadelphia.