KUMANA si Stephen Curry ng 30 points sa kanyang unang start sa series upang tulungan ang Golden State Warriors na dominahin ang kanilang first-round matchup sa pamamagitan ng 102-98 panalo kontra Denver Nuggets sa Game 5 noong Miyerkoles ng gabi sa San Francisco.
Nagdagdag si Klay Thompson ng 15 points, 9 rebounds at 4 steals at umiskor din si Gary Payton II ng 15 points para sa Warriors, na nanalo sa series, 4-2.
Makakasagupa ng Golden State ang Memphis Grizzlies o Minnesota Timberwolves sa second round ng Western Conference playoffs.
Tumirada si Curry ng limang 3-point baskets at kumalawit din ng limang rebounds at nagbigay ng limang assists. Galing siya sa bench sa unang apat na laro ng series makaraang gumaling mula sa left foot injury.
Kumubra si Andrew Wiggins ng 12 points at tumapos si Draymond Green na may 11 points, 6 assists at 3 steals para sa Warriors.
Nakakolekta si Nikola Jokic ng 30 points, 19 rebounds at 8 assists para sa Nuggets sa kabila na na-tweak ang kanyang kanang hamstring sa kaagahan ng third quarter. Ang reigning MVP ay umiskor ng 12 sa huling 14 points ng Denver.
Nag-ambag si DeMarcus Cousins ng 19 points, nagposte si Aaron Gordon ng 15 points at 8 rebounds at umiskor sina Will Barton at Monte Morris ng tig-14 points para sa Nuggets.
BUCKS 116,
BULLS 100
Sumampa si Giannis Antetokounmpo sa 30-point mark sa ikatlong pagkakataon sa huling apat na laro nang gapiin ng Milwaukee Bucks ang bisitang Chicago Bulls, 116-100, upang umusad sa second round ng Eastern Conference playoffs.
Ang two-time MVP ay tumapos na may 33 points at 9 rebounds sa 11-for-15 shooting upang pangunahan ang Milwaukee sa kanilang unang first postseason series win kontra Bulls magmula noong 1985.
Nagdagdag si reserve Pat Connaughton ng 20 points mula sa bench at nagtala si Bobby Portis ng 14 points at 17 rebounds. Nag-ambag si Grayson Allen ng 13 points, tumipa si Brook Lopez ng 12 at nagposte si Jrue Holiday ng 10 points at 9 assists.
Sa pagkakalagay kay Zach LaVine sa health and safety protocol ng liga, nanguna si Patrick Williams para sa Chicago na may 23 points sa 9-for-13 shooting. Tumapos si Nikola Vucevic na may 19 points at 16 rebounds, at nagtala si reserve Coby White ng 17 points.
Umiskor lamang si Bulls All-Star DeMar DeRozan ng 11 points, habang nagdagdag si Troy Brown Jr. ng 10.