UMISKOR si Jordan Poole ng 31 points sa 12-for-20 shooting, tumapos si Stephen Curry na may 24 points at naitakas ng bisitang Golden State Warriors ang 117-116 panalo kontra Memphis Grizzlies sa Game 1 ng kanilang Western Conference semifinals series Linggo ng hapon.
Nagsalpak sina Poole at Curry ng tig-limang 3-pointers at nakabawi ang Warriors sa double-digit deficit sa first half, gayundin sa hindi inaasahang ejection ni veteran forward Draymond Green. Kumana si Andrew Wiggins ng 17 points, at tumipa si Klay Thompson ng 15 bagaman naipasok lamang niya ang anim sa 19 shots mula sa field.
Nanguna si Ja Morant para sa Grizzlies na may 34 points, 10 assists at 9 rebounds. Nag-ambag si Jaren Jackson Jr. ng 33 points at 10 rebounds, habang kumamada si De’Anthony Melton ng 14 mula sa bench.
Muling maghaharap ang dalawang koponan para sa Game 2 sa Martes ng gabi.
Walang koponan ang lumamang ng mahigit sa apat na puntos sa huling limang minuto, na tinampukan ng apat na pagtatabla at dalawang lead changes.
BUCKS 101,
CELTICS 89
Tumirada si Giannis Antetokounmpo ng triple-double at nagbuhos si Jrue Holiday ng game-high 25 points upang tulungan ang bisitang Milwaukee Bucks sa 101-89 panalo laban sa Boston Celtics sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference semifinal series.
Tumapos si Antetokounmpo na may 24 points, 13 rebounds at 12 assists. Nagdagdag si Holiday ng 9 rebounds, nagtala si Bobby Portis ng. double-double na 15 points at 11 rebounds at umiskor si Grayson Allen ng 11 points.
Nanguna si Jayson Tatum para sa Boston na may 21 points at nagdagdag si Al Horford ng 12 points at 10 rebounds. Umiskor si Jaylen Brown ng 12 points sa 4-of-13 shooting at gumawa ng pitong turnovers. Nag-ambag si Marcus Smart ng 10 points bagaman naglaro na may shoulder stinger at bruised thigh habang nakalikom si Derrick White ng 10 para sa Celtics, na natalo sa unang pagkakataon sa playoffs makaraang walisin ang Brooklyn sa first round.
Nakatakda ang Game 2 sa Martes ng gabi sa Boston.
Bumuslo ang Celtics ng 18 sa 50 3-point attempts, ngunit 10 of 34 lamang sa 2-pointers.