WARRIORS KINATAY ANG HAWKS

warriors

KUMANA si Jonas Jerebko ng 14-point, 13-rebound double-double bilang kapalit ni suspended Draymond Green upang tulungan ang Golden State Warriors na maitakas ang 110-93 panalo laban sa Atlanta Hawks sa Oakland, California noong Martes ng gabi.

Si Green ay sinuspinde dahil sa ‘conduct detrimental to the team’ matapos ang sigawan nila ni Kevin Durant kasunod ng overtime loss sa Los Angeles Clippers noong Lunes.

Naglaro rin ang Warriors na wala si Stephen Curry dahil sa strained groin.

Umabante ang Hawks ng hanggang anim na puntos sa first half at sa 58-53 sa kaagahan ng third period bago nagsalpak sina  Jerebko, Klay Thompson at Quinn Cook ng 3-pointers sa 17-2 run tungo sa panalo.

Nanguna si Durant para sa Warriors na may 29 points, habang nag-ambag sina Thompson ng  24 at  Cook ng 18, at umangat ang Golden State sa 3-0 ngayong season.

ROCKETS 109, NUGGETS 99

Naitala ni James Harden ang 19 sa kanyang 22 points sa second half at nagbigay rin ng 11 assists nang mamayani ang Houston laban sa host Denver.

Tumipa si Clint Capela ng 24 points at 9 rebounds, at gumawa si Chris Paul ng 21 para sa Rockets. Na­nalo ang Houston ng dalawang sunod sa gitna ng roster shakeup na kinasasangkutan ni veteran forward Carmelo Anthony,  na inaasahang ire-release ng organisasyon.

Nanguna si Monte Morris para sa Denver na may 19 points, habang umiskor sina Jamal Murray at Gary Harris ng tig-15 at nakako­lekta si Nikola Jokic ng 14 points at 12 rebounds. Nalasap ng Nuggets ang ika-4 na sunod na talo at ika-8 sunod sa Houston.

CAVALIERS 113,

HORNETS 89

Tumipa si Jordan Clarkson ng 24 points mula sa bench, at humugot si  Tristan Thompson ng 21 rebounds nang igupo ng injury-ravaged Cleveland ang bumibisitang Charlotte.

Nagdagdag si David Nwaba ng 18 points bilang reserve sa ikalawang panalo ng Cavaliers sa season. Umiskor sina Rodney Hood at Collin Sexton ng tig-16 points, habang nag-ambag si JR Smith ng 13 points. Umiskor si Thompson ng 11 sa 5-of-6 shooting.

Nagbida sina Jeremy Lamb at Nicolas Batum na may 22 points at 11 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Hornets, na bumuslo ng  34.7 percent mula sa field. Nalimitahan si Kemba Walker sa 7 points sa 2-of-16 shooting mula sa field.

Comments are closed.