NAGBUHOS si Stephen Curry ng game-high 32 points, kabilang ang dalawang key free throws may 45.7 segundo ang nalalabi, upang pangunahan ang host Golden State Warriors sa 101-98 panalo kontra Ja Morant-less Memphis Grizzlies para sa 3-1 lead sa kanilang Western Conference semifinal playoff series Lunes ng gabi.
Sa kabila ng pagliban ni coach Steve Kerr dahil sa COVID-19, nagawang malusutan ng Warriors ang 9-for-37 shooting sa 3-pointers upang lumapit sa ika-6 na Western Finals sa huling walong seasons.
Pinalitan ni Warriors assistant Mike Brown, naunang pinangalanan bilang susunod na head coach ng Sacramento Kings, si Kerr para magmando sa bench.
Hindi nakapaglaro si Morant dahil sa right knee injury na natamo sa fourth quarter ng Game 3, sinorpresa ng Grizzlies ang Warriors sa 15-8 simula at umabante ng hanggang 12 puntos.
Katunayan, ang Memphis ay hindi naghabol hanggang sa huling minuto.
Tumapos si Andrew Wiggins na may 17points af nagdagdag si Otto Porter Jr. ng 12 — pawang sa 3-pointers — para sa Warriors, na bumuslo lamang ng 40 percent overall. Nakumpleto ni Wiggins ang double-double na may 10 rebounds, habang kumalawit si Draymond Green ng team-high 11 boards na sinamahan ng 5 assists at 2 points.
Nanguna si Jaren Jackson para sa Grizzlies na may 21 points, habang nag-ambag si Tyus Jones, naging starter kapalit ni Morant, ng 19 points, 6 rebounds at 5 assists.
CELTICS 116, BUCKS 108
Kumana si Al Horford ng career-playoff-high 30 points nang maitakas ng bisitang Boston Celtics ang 116-108 panalo kontra Milwaukee Bucks upang ipatas ang kanilang Eastern Conference semifinal series sa 2-2.
Bumuslo ang 15-year NBA veteran ng 11 of 14 mula sa field, kabilang ang 5-of-7 mark mula sa 3-point range, upang ibalik ang homecourt advantage sa Boston. Binura ng Celtics ang 11-point, third-quarter deficit.
Nakatakda ang Game 5 sa best-of-seven series sa Miyerkoles sa Boston.
Umiskor din si Jayson Tatum ng 30 points at kumalawit ng 13 rebounds para sa Celtics, at kapwa nakalikom sina Jaylen Brown at Marcus Smart ng 18 points. Nagbigay si Smart ng 8 assists.
Muling nagbida si Giannis Antetokounmpo para sa Milwaukee na may 34 points, 18 rebounds at 5 assists. Bumuslo siya ng 14 of 32 mula sa floor.
Nagdagdag si Jrue Holiday ng 16 points, 7 rebounds at 9 assists, at kumubra si Brook Lopez ng 17 points at 7 rebounds.