WARRIORS MINASAKER NG LAKERS

Lakers vs Warriors

NAITALA ni Rajon Rondo ang walo sa kanyang 12 points sa third-quarter run-away upang tulungan ang bisitang Los Angeles Lakers na umalagwa tungo sa 116-86 blowout win laban sa Golden State Warriors.

Nagbuhos si Anthony Davis ng game-high-tying 23 points para sa Lakers, na nanalo ng pitong sunod sa kabila na pinagpahinga si LeBron James ng isang gabi dahil sa sore groin.

Tumipa si rookie Eric Paschall ng 23 points para sa Golden State, na naglaro na wala si Andrew Wiggins dahil sa back spasms, habang napatalsik si Draymond Green dahil sa dalawang technical fouls sa second quarter.

Ang pagkatalo ay ika-8 sunod ng Golden State sa kabuuan, at ika-8 sunod din sa home.

Anim na players ang tumapos na may double figures para sa Lakers, na tinalo ang Golden State sa ikatlong pagkakataon ngayong season upang kunin ang kanilang ­unang season-series win laban sa kanilang ­Northern California rival magmula noong 2013.

Gumawa si Kyle Kuzma ng 18 points, habang nag-ambag sina Dwight Howard ng 13, at Avery Bradley at JaVale McGee ng tig-12.

Kumalawit si Howard ng game-high nine rebounds, at nagdagdag si Rondo ng team-high six assists para sa Los Angeles, na nagwagi ng apat na sunod sa road.

THUNDER 112, KINGS 108

Kumamada si Danilo Gallinari ng 24 points at nagdagdag si Shai Gilgeous-Alexander ng 20 nang payukuin ng Oklahoma City Thunder ang bisitang Sacramento Kings noong Biyernes ng gabi.

Nagdagdag si Chris Paul ng 17 points at 7 assists, habang tumabo si  Steven Adams ng 15 points at 7 rebounds para sa Oklahoma City, na nanalo ng limang sunod.

Nakalikom si Dennis Schroder ng 13 points at 7 assists, habang nag-ambag si Nerlens Noel ng 10 points at 7 rebounds para sa Thunder, na nai-pasok ang 48.8 percent ng kanilang tira at 9 of 26 sa 3-point area.

Nagposte si Harrison Barnes ng 21 points at nakakolekta si Harry Giles III ng 19 para sa Sacramento, na naputol ang three-game winning streak. Tumipa si  Nemanja Bjelica ng 18 points at 9 rebounds, gumawa si Buddy Hield ng 15 points sa limang 3-pointers at umiskor sina Bogdan Bogdanovic at Alex Len ng tig-11 points.

Naglaro ang Sacramento na wala si point guard De’Aaron Fox dahil sa lower abdominal tightness.

PACERS 106, BLAZERS 100

Nalusutan ni Domantas Sabonis ang maagang foul trouble upang makakolekta ng  20 points at 11 rebounds nang apulahin ng Indiana Pacers ang Portland Trail Blazers noong Huwebes sa Indianapolis.

Naitala ni Sabonis, na ang amang si Arvydas ay naglaro para sa Trail Blazers, ang kanyang ika-45 double-double sa season makaraang maglaro lamang ng siyam na minuto sa first half. Nakuha  ni Sabonis ang kanyang ikatlong foul sa kaagahan ng second quarter makaraang tawagan ng charging kay forward Caleb Swanigan.

Tumipa si Malcolm Brogdon ng 17 points at nagdagdag si Victor Oladipo ng 15 sa kanyang pagbabalik mula sa two-game absence dahil sa back injury, para sa Indiana.  Umiskor din si T.J. Warren ng 15 points para sa Pacers, na nanalo ng apat sa kanilang huling limang laro kasunod ng season-long six-game losing streak.

Sa iba pang laro ay pinadapa ng kulang sa taong Philadelphia 76ers ang New York Knicks, 115-106.

Comments are closed.