WARRIORS NAKA-2 NA

Stephen Curry

NAGBUHOS si Stephen Curry ng 33 points, kabilang ang NBA Finals record na nine 3-pointers, upang pangunahan ang Gol­den State Warriors sa 122-103 panalo laban sa Cleveland Cavaliers.

Kinuha ng Warriors ang 2-0 kalamangan sa best-of-seven series, na lilipat sa  Cleveland para sa Game 3 at 4 sa Huwebes at Sabado (oras sa Maynila).

“We’ve got to get that same focus going to Cleveland,” wika ni Curry.

Binura ni Curry, isang 30-anyos na guard, ang dating marka na walong 3-pointers sa isang finals game na naitala ni Ray Allen ng Boston noong 2010.

“To be on top of that 3-point list is pretty special,” ani Curry.

Umiskor si Curry ng 16 points sa fourth quarter, kabilang ang isang 4-point play mula sa corner 3-pointer at ang record breaker mula sa left side, may 3:30 ang nalalabi.

Tumapos siya na may 11-of-26 mula sa floor, 9-of-17 mula sa 3-point range, na may pitong rebounds at walong assists.

Nagdagdag si Kevin Durant ng 26 points, gumawa si Klay Thompson ng 20 at tumipa si JaVale McGee ng 12 para sa Warriors.

Kumana si Cavaliers superstar LeBron James ng 29 points, 13 assists at 9  rebounds habang nag-ambag si Kevin Love ng 22 points at 10 rebounds, subalit nakalapit lamang ang Cleveland sa limang puntos sa second half.

Ang Cavaliers at Warriors ay naghaharap para sa ikaapat na sunod na NBA Finals, kung saan nakopo ng Golden State ang titulo noong 2015 at 2017 habang nasungkit ng Cleveland ang 2016 crown, makaraang humabol sa 3-1 deficit sa greatest comeback sa finals history.

Matapos ang overtime opener loss na tinawag ni James na isa sa pinakamasamang pagkatalo sa kanyang career,  hindi nakaporma ang Cavaliers sa Golden State kung saan pinipigilan ni  Curry at ng kanyang teammates ang bawat pagbabanta.

Sinalubong si Cavs guard J.R. Smith, na ang late-game blunder ay pumigil sa potential winning shot ng Cavaliers, ng standing ovation ng Warriors fans at chants ng ‘M-V-P’ nang sumalang siya sa free throw line.

Nagtala si Smith ng 2-of-9 mula sa floor at gumawa lamang ng limang puntos.

Tatlong beses na nakalapit ang Cleveland sa limang puntos sa third quarter subalit napalobo ng Warriors ang kalamangan sa  90-80 matapos ang tat-long quarters.

Binuksan ni James ang fourth quarter sa pamamagitan ng isang 3-pointer subalit sinagot ito ni Curry ng back-to-back 3-pointers para sa 96-83 bentahe ng Warriors.

Sinundan pa ito ni Curry ng kanyang ika-7 3-pointer, isang desperation heave habang paubos ang oras, upang bigyan ang Warriors ang 103-89 kalamangan.

Tatlong 3-pointers ni Curry ang nagsindi sa 19-8 second-quarter run ng Warriors at kinuha ng Golden State ang 59-46 halftime edge.

Tumipa si Curry ng 16 points, 5 rebounds at 6 assists sa first half, nang bumuslo ang Warriors ng 59 percent mula sa floor at nagbigay ng 18 assists. Naitala  ni James ang 15 first-half points sa 5-of-11 shooting na may 7 rebounds at 8 assists.  AFP

Comments are closed.