WARRIORS NAKAALPAS SA MAVS; CURRY NAGPASABOG NG 48 POINTS

Stephen Curry-3

HUMATAW si Stephen Curry ng game-high 48 points — 24 sa bawat half – at nagpakawala ng game-winning 3-pointer upang tulungan ang Golden State Warriors na matakasan ang ­Dallas, 119-114, noong ­Linggo ng gabi.

Nagpasabog si Curry,  umiskor ng 16 points sa first quarter, ng 11 3-pointers at naitala ang huling pitong puntos para sa Warriors sa larong umabante ang Mavs sa 113-108, may 3:51  ang nalalabi.

Tumirada si Kevin Durant ng 28 points at nagdagdag si Klay Thompson ng 16 sa masamang shooting night kung saan nagposte lamang siya ng 2 of 11 mula sa 3-point area.

Nanguna si Rookie of the Year favorite Luka Doncic para sa Dallas na may  26 points, kabilang ang 5 of 10 mula sa 3-point area at nagdagdag ng limang assists at 6 rebounds. Gumawa si Harrison Barnes ng 22 at tumipa si Jalen Brunson ng 12 mula sa bench sa loob ng 30 minuto.

MAGIC 116, ROCKETS 109

Umiskor sina Nikola Vucevic at Aaron Gordon ng tig-22 points at sinamantala ng Orlando ang masamang 3-point shooting ni James Harden upang pabagsakin ang Houston.

Kumana si Harden ng 38 points upang palawigin ang kanyang run sa 30-point games sa 16, subalit 1-of-17 lamang mula sa 3-point range at 11-of-32 overall mula sa field. Nagsalpak siya ng 15 of 16 free throws at nakalikom ng 12 assists at 9 rebounds.

CAVALIERS 101, LAKERS 95

Umiskor si Cedi Osman ng 20 points, at nagdagdag si Rodney Hood ng 18 nang wakasan ng bumibisitang Cleveland Cavaliers ang kanilang 12-game losing streak matapos dispatsahin ang Los Angeles Lakers.

Tumipa si Tristan Thompson ng 15 points at 14 rebounds,  habang kumamada si Alec Burks ng 17 points at 13 rebounds at nagwagi ang Cleveland sa unang pagkakataon magmula noong Disyembre 18 sa Indiana.

Ang Cavaliers ay 9-35 pa lamang ngayong season at tanging NBA team na hindi pa umaabot sa double digits ang panalo.

RAPTORS 140, WIZARDS 138 (2OT)

Naipasok ni Serge Ibaka ang isang 3-pointer, may 15 segundo ang nala­labi sa ikalawang overtime, at pinadapa ng Toronto ang Washington para sa kanilang ika-5 sunod na panalo.

Nasayang ng Raptors ang 23-point lead bago ginapi ang Wizards.

BUCKS 133, HAWKS 114

Bumanat si Giannis Antetokounmpo ng 33 points, nagdagdag si Eric Bledsoe ng 24 points at 10 assists, at nagwagi ang Milwaukee sa pagbabalik ni coach Mike Budenholzer sa Atlanta.

Tumapos si Khris Middleton na may 17 points at 11 rebounds upang tulungan ang Bucks na umangat sa 30-12, ang second-best sa NBA.

SIXERS 108, KNICKS 105

Tumipa si Ben Simmons ng 20 points, 22 rebounds at 9 assists, at kumamada si Joel Embiid ng 26 points upang tulungan ang Philadelphia na manaig laban sa New York.

Sumablay ang 3-pointer ni Emmanuel Mudiay ng New York sa buzzer. Umiskor si Kevin Knox ng 31 points para sa Knicks, na natalo ng apat na sunod.

Comments are closed.