WARRIORS NAKAUNA

WARRIORS

HINDI maawat si LeBron James sa apat na quarters.

Subalit, kinailangan lamang ng Golden State Warriors ng tatlong minuto upang pasukuin si James at ang Cleveland Cavaliers at kunin ang unang panalo sa NBA Finals.

Nagbuhos si Steph Curry ng 29 points, at naglunsad ang Warriors ng 9-0 run sa overtime upang igupo ang Cavaliers, 124-114, sa Game 1 ng kanilang title series kahapon.

Nagpasabog si James ng 51 points para sa Cleveland, subalit nalimitahan lamang sa dalawang free throws at walang basket sa extension.

Nakatakda ang Game 2 sa Linggo (Lunes sa Manila) sa Oracle Arena sa Oakland.

Tulad ng dati ay pinamunuan ni James ang opensiba ng Cavaliers.

Naghahabol sa 107-106, may 4.7 segundo ang nalalabi, naisalpak ni  George Hill ang isa lamang sa dalawang free throws at tinangka ni JR Smith na ubusin ang oras nang makuha ang offensive rebound sa pag-aakalang lamang ang Cleveland.

Natapos ang laro na tabla ang dalawang koponan sa 107-107 para maipuwersa ang overtime, kung saan nag-init ang Warriors.

Isang 3-pointer ni Klay Thompson at dalawang baskets ni veteran role player Shaun Livingston ang nagbigay sa Golden State ng 116-107 bentahe, na hindi natugunan ni James at ng Cavaliers.

Tumapos si Curry na may 9 assists at limang 3-pointers.

Nagdagdag si James ng 8 rebounds at 8 assists sa gabing na­ging una siyang  50-point scorer na natalo sa isang NBA Finals game, ayon sa ESPN Stats & Info.

Ito ang unang 50-point game sa NBA Finals magmula nang maitala ni Michael Jordan ang marka noong 1993.

Naniniwala naman si Cavaliers coach Tyronn Lue na nanakawan sila ng panalo nang baligtarin ng mga referee ang offensive foul na tawag sa Warriors, may 36.4 segundo ang nalalabi sa regulation.

Nag-drive sa basket si Durant at tinawagan ng offensive foul nang depensahan ni James, subalit matapos rebyuhin ng mga opisyal ay binaligtad ang tawag at ginawa itong blocking foul.

Sa sumunod na free throws ay naitabla ni Durant ang talaan sa 104-all.