WARRIORS NANGANGAMOY SWEEP SA NUGGETS

NAGBUHOS sina Stephen Curry at Jordan Poole ng tig- 27 points, at nagdagdag si Klay Thompson ng 26 nang gapiin ng bisitang Golden State ang Denver, 118-113, upang kunin ang 3-0 kalamangan sa kanilang  Western Conference first-round playoff series.

Tumipa si Gary Payton II ng 11 points at tumapos si Draymond Green na may 10 assists para sa Golden State, na maaaring tapusin ang series sa Linggo sa Denver.

Kumana si Nikola Jokic ng 37 points at 18 rebounds para sa Nuggets, na natalo ng pitong sunod na playoff games magmula pa noong nakaraang season. Nagdagdag si Aaron Gordon ng 18 points at 12 rebounds

GRIZZLIES 104,

TIMBERWOLVES 95

Umiskor si Desmond Bane ng 26 points upang pangunahan ang bisitang Memphis Grizzlies sa panalo kontra  Minnesota Timberwolves sa Game 3 ng kanilang Western Conference first-round playoff series sa Minneapolis

Nagsalpak si Bane ng pitong  3-pointers at nalusutan ng second-seeded Grizzlies ang 26-point deficit upang kunin ang 2-1 lead sa serye. Nakatakda ang Game 4 sa Sabado sa Minneapolis.

Nakalikom si Brandon Clarke ng 20 points at 8 rebounds mula sa bench para sa Grizzlies, na na-outscore ang seventh-seeded Minnesota, 37-12, sa fourth quarter. Nalusutan ni Ja Morant ang 5-for-18 shooting performance upang tumapos na may 16 points, 10 assists at 10 rebounds.

Umiskor si Timberwolves guard D’Angelo Russell ng 22 points, malayo sa kanyang performance sa unang dalawang laro ng series. Bumuslo lamang siya ng 5 of 22 shots sa Games 1 at 2 habang umiskor ng   21 points.

MAVERICKS 126,

JAZZ 118

Tumirada si Jalen Brunson ng 31 points at nalusutan ng Dallas ang paghahabol ng Utah upang kunin ang 2-1 lead sa kanilang first-round Western Conference playoff series sa panalo sa Salt Lake City.

Pinangunahan ni Brunson ang pitong Dallas players sa double digits upang punan ang pagkawala ni superstar Luka Doncic, na hindi pa naglalaro sa series sanhi ng strained left calf.

Kumamada si Spencer Dinwiddie ng 20 points, habang kumubra sina Maxi Kleber (17 points) at Davis Bertans (15 points) ng tig-apat na 3-pointers. Pinuto ng Dallas ang 11-game losing streak sa Utah.