WARRIORS NILAMBAT NG NETS

warriors vs nets

NAGBUHOS si Kevin Durant ng 20 points sa kanyang pagbabalik sa San Francisco Bay Area at nanalasa ang “Big Three” ng Brooklyn nang pulbusin ng Nets ang host Golden State Warriors, 134-117, noong Sabado ng gabi (oras sa US).

Nanguna si Kyrie Irving para sa Nets na may 23 points, habang nag-ambag si James Harden ng game-high 16 assists na may 19 points, para tulungan ang Brooklyn na makumpleto ang dominant season-series sweep sa Warriors.

Dinurog ng Nets ang Warriors, 125-99, sa Brooklyn sa Opening Night.

Nanguna si Stephen Curry sa lahat ng scorers na may 27 points, subalit nagtala lamang ng 2-for-9 sa 3-pointers kung sumablay ang Warriors sa 25 sa kanilang 34 3-point attempts.

JAZZ 112,

HEAT 94

Umiskor si Donovan Mitchell ng 26 points, nagdagdag si Bojan Bogdanovic ng 19 at tumapos si Rudy Gobert na may 16 points, 12 rebounds at 3 blocked shots nang gapiin ng Utah Jazz ang Miami Heat, 112-94, sa Salt Lake City para sa kanilang ika-7 sunod na panalo.

Tumipa si Mitchell ng 8  points sa decisive third quarter at pinalobo ng Utah ang five-point halftime lead sa 21-point advantage. Na-outscore ng Jazz ang Heat,  31-15, sa naturang period.

Nagbida si Kendrick Nunn para sa Miami na may 23 points, habang gumawa sina Jimmy Butler at Max Strus ng tig-15 points para sa Heat, na naputol ang four-game winning streak sa second stop ng kanilang seven-game Western Conference swing.

KNICKS 121,

ROCKETS 99

Kumamada si Immanuel Quickley ng 22 points, kabilang ang tatlong krusyal na  second-half 3-pointers nang pabagsakin ng host New York Knicks ang  Houston Rockets, 121-99.

Kumonekta si Quickley, isa sa anim na Knicks na umiskor ng double figures, ng 7 for 9 mula sa floor at nagsalpak ng apat na  3-pointers.

Tumapos si John Wall na may game-high 26 points habang nag-ambag si  Eric Gordon ng 24 points para sa Rockets, na nakapagpasok lamang ng 8 sa 43 3-pointers at bumuslo ng  37.5 percent overall.

Nagdagdag si DeMarcus Cousins ng 10 points at 10 rebounds para sa Houston, na naglaro na wala sina starters Christian Wood (ankle) at Victor Oladipo (foot).

Nalasap ng  Rockets ang ika-5 sunod na pagkatalo, pawang sa mga laro na naka-sideline si Wood, makaraang manalo sa 7 sa 8 games bago ang skid.

Nakalikom si Julius Randle ng 22 points at 9  rebounds para sa Knicks, habang nagdagdag sina Derrick Rose ng 16 points at Elfrid Payton ng 15.

SUNS 120,

76ERS 111

Tumabo si Devin Booker ng 36 points upang bitbitin ang host Phoenix Suns sa 120-111 panalo kontra Philadelphia 76ers.

Nagdagdag si Chris Paul, isang 10-time All-Star, ng 18 points, 10 assists at 8  rebounds para sa Suns, na nanalo ng limang sunod.

Gumawa si Dario Saric ng 15 points habang nag-ambag sina E’Twaun Moore at  Deandre Ayton ng tig-11.

Nanguna si Joel Embiid para sa Sixers na may 35 points at 8 rebounds at nagposte si Ben Simmons ng 18 points at 6 rebounds.

Sa iba pang laro ay kinatay ng Indiana Pacers ang Atlanta Hawks, 125-113.

Comments are closed.