NAGBUHOS si Klay Thompson ng season-high 41 points at pinangunahan ang 3-point shooting barrage nang pataubin ng bisitang Golden State Warriors ang New Orleans Pelicans, 128-107, sa regular-season finale para sa parehong koponan noong Linggo ng gabi.
Umiskor si Thompson, naglalaro sa kanyang ika-32 gane pa lamang buhat nang bumalik mula sa Achilles surgery, ng mahigit 30 points sa ika-4 na pagkakataon sa kanyang huling anim na laro at nahigitan ang kanyang naunang high na 38 points. Naipasok niya ang 7 sa 14 3-pointers habang nagtala ang Warriors (53-29) ng 19 of 33 mula sa arc.
Naiposte ng Golden State ang ika-5 sunod na panalo at nakopo ang No. 3 seed sa Western Conference playoffs. Makakasagupa ng Warriors ang sixth-seeded Denver sa first round.
Ang Pelicans (36-46), nasa ninth-place at makakalaban ang San Antonio sa home sa Miyerkoles ng gabi, ay hindi nakasama sina Brandon Ingram (hamstring), Jonas Valanciunas (ankle), Herbert Jones Jr. (tibia contusion) at Devonte’ Graham (knee). Tumipa si Naji Marshall ng 19 points, nagdagdag si Gary Clark ng 17, umiskor si Trey Murphy III ng 15, nag-ambag si Jose Alvarado ng 12 at kumubra si Jared Harper ng 10 para sa Pelicans.
CELTICS 139,
GRIZZLIES 110
Naitala ni Jayson Tatum ang 26 sa kanyang 31 points sa first half sa panalo kontra host Memphis na sinamahan ng pagkatalo ng Milwaukee sa Cleveland, upang magtapos ang Boston sa No.2 seed sa Eastern Conference.
Tinapos ng Boston ang final two-plus months sa 2021-22 regular season sa pamamagitan ng wire-to-wire win laban sa Western Conference’s No. 2 seed.
Nagtala si Tatum ng 11-of-14 shooting mula sa floor sa loob lamang ng nilarong 26:03, upang pangunahan ang Celtics sa 54.5 percent performance sa 54 of 99.
Ang Memphis, selyado na ang playoff position mahigit isang linggo na ang nakalilipas, ay hindi naglaro na gamit ang kanilang starting five — Ja Morant, Desmond Bane, Steven Adams, Jaren Jackson Jr. at Dillon Brooks. Sa halip ay nagsimula ang Grizzlies sa pamamagitan nina Ziaire Wiliams, Kyle Anderson, Xavier Tillman, De’Anthony Melton at John Konchar.
Sa iba pang laro: Cavaliers 133, Bucks 115; Nets 134, Pacers 126; Kings 116, Suns 109; Magic 125, Heat 111; Knicks 105, Raptors 94; 76ers 118, Pistons 106; Bulls 124, Timberwolves 120; Mavericks 130, Spurs 120; Jazz 111, Trail Blazers 80; Clippers 138, Thunder 88; Lakers 146, Nuggets 141 (OT).