NAGTALA si Klay Thompson ng NBA record na 14 3-pointers bilang bahagi ng NBA-season-high 52-point performance nang tambakan ng bumibisitang Golden State Warriors ang Chicago Bulls, 149-124, noong Lunes ng gabi.
Umiskor ang Warriors ng 92 points sa first half – ang pinakamarami ng isang road team at ‘second most of all time’ sa likod ng Phoenix Suns, na may 107 sa first half laban sa Denver Nuggets noong Nob. 19, 1990.
Abante ang Golden State sa 92-50 sa break. Ang 42-point margin ang fourth-largest halftime lead sa kasaysayan at pinakamalalaking kalamangan ng isang road team. Tumapos si Thompson na may 14 of 24 sa 3-point area.
BUCKS 124, RAPTORS 109
Hindi pinaiskor ng field goal ng host Milwaukee ang Toronto sa unang 4:11 ng second quarter upang maagang umabante sa duelo ng mga unbeaten team na hindi kasama ang kanilang leading scorers.
Umangat ang Bucks sa 7-0 sa kabila ng pagkawala ni Giannis Antetokounmpo, na nagpapagaling sa concussion, at sinamantala ang desisyon ng Raptors na pagpahingahin ang kanilang star na si Kawhi Leonard.
Pinunan ng Milwaukee ang pagkawala ni Antetokounmpo sa pamamagitan ng balanced scoring, kung saan pitong players nito ang nagtala ng double figures, sa pangunguna ni Ersan Ilyasova na may 19 points.
Tumipa si Serge Ibaka ng season-high 30 para sa Raptors, na bumagsak sa 6-1.
TIMBERWOLVES 124, LAKERS 120
Nagpasabog si Jimmy Butler ng limang 3-pointers sa fourth quarter at tumirada ng 32 points upang pangunahan ang host Minnesota laban sa Los Angeles sa Minneapolis.
Nagdagdag si Karl-Anthony Towns ng 25 points, 16 rebounds at 4 blocks para sa Timberwolves, at gumawa si rookie guard Josh Okogie ng season-high 17 points.
Tumabo si LeBron James ng 29 points, 10 rebounds at 7 assists para sa Lakers makaraang mabokya sa first quarter.
Mula sa four-game suspension ay kumamada si Brandon Ingram ng 17 sa kanyang 24 points sa first half para sa Los Angeles, at naitala ni Kyle Kuzma ang 16 sa kanyang 19 sa first half.
NUGGETS 116, PELICANS 111
Kinapos si Nikola Jokic ng isang rebound para sa triple-double, umiskor sina Gary Harris at Jamal Murray ng tig-23 points, at ginapi ng host Den-ver ang New Orleans. Tumapos si Jokic na may 12 points, 10 assists at 9 rebounds.
Ang kanyang ipinamalas ay nakatulong sa Denver para manatiling walang talo sa apat na home games ngayong season. Gumawa rin si Paul Millsap ng 18 points para sa Nuggets.
76ERS 113, HAWKS 92
Kumamada si Ben Simmons ng 21 points upang pangunahan ang pitong Philadelphia players na may double figures sa pagdispatsa sa bumibisitang Atlanta.
Humugot din si Simmons, naitala ang kanyang unang 20-plus point effort sa season, ng 12 rebounds at nagbigay ng siyam na assists. Ito ang ika-21 pagkakataon sa batang career ni Simmons na umiskor siya ng hindi bababa sa 20 points.
Nagbuhos si Markelle Fultz ng career-high 16 points habang nagdagdag sina Mike Muscala at JJ Redick ng tig-14 para sa Sixers, na nanalo ng dalawang sunod.
Sa iba pang laro: Spurs 113, Mavericks 108 (OT); Trail Blazers 103, Pacers 93; Knicks 115, Nets 96; Kings 123, Heat 113.