WARRIORS PINAAMO NG SIXERS

NALIMITAHAN ni defensive ace Matisse Thybulle si Stephen Curry sa 3-for-14 shooting sa 3-pointers at nagpakawala si Joel Embiid ng game-high 26 points nang pataubin ng Philadelphia 76ers ang bisitang Golden State Warriors, 102-93.

Nangangailangan ng siyam na 3-pointers para tumabla sa all-time NBA career record ni Rey Allen, kinapos si Curry ng anim at muling magtatangka sa Indiana sa Lunes ng gabi, kung saan ipagpapatuloy ng Warriors ang five-game trip laban sa Pacers.

Bumuslo ng 6-for-20 overall, tumapos si Curry na may 18 points. Tumabo si Jordan Poole, ang team leader, ng  23 points.

Heat 118, Bulls 92

Umiskor si Duncan Robinson ng season-high 26 points at nagdagdag si Kyle Lowry ng game-high 14 assists upang pangunahan ang host Miami kontra Chicago.

Tumipa si Chicago’s Zach LaVine ng game-high 33 points, tampok ang 11-for-20 mula sa floor, kabilang ang 7-for-11 sa 3-pointers.

Kumubra si Lowry ng 16 points at gumawa ng dalawang turnovers lamang, na sinamahan ng to 14 assists.

Tumirada si Heat center Dewayne Dedmon, starter para kay injured Bam Adebayo, ng double-double na 20 points at 12 rebounds.

Sa iba pang laro: Nuggets 127, Spurs 112; Grizzlies 113, Rockets 106; Cavaliers 117, Kings 103; Jazz 123, Wizards 98; Clippers 106, Magic 104.