UMISKOR si Buddy Hield ng 27 points mula sa bench at nagdagdag si Jonathan Kuminga ng anim sa kanyang 23 points sa overtime nang gapiin ng bisitang Golden State Warriors ang Houston Rockets, 127-121, noong Sabado.
Binura ng Houston ang 31-point deficit upang ipuwersa ang extra period, dalawang beses umiskor si Kuminga sa post bago nagdagdag ng driving layup, may 1:18 ang nalalabi sa overtime upang selyuhan ang panalo. Kumalawit siya ng 6 rebounds para sa Warriors, na nakakuha ng 15 points mula kay Andrew Wiggins at double-double kay Draymond Green (14 points, 11 rebounds) bago siya na-foul out. Nagwagi ang Warriors sa kabila ng paglisan ni Stephen Curry (ankle) sa ikatlong sunod na laro.
Pinangunahan ni Tari Eason ang pagbabalik ng Houston na may 27 points, 9 rebounds, 4 steals at 3 blocks mula sa bench. Nagdagdag si Amen Thompson ng 18 points at 11 rebounds mula sa bench habang kumamada si Jabari Smith Jr. ng 21 points at 7 boards upang tumulong sa pagsindi sa second-half rally.
Sinimulan ng Houston ang pagbabalik sa kontensiyon sa third quarter na pinangunahan ni Eason, na nakalikom ng 12 points sa naturang period. Tinapyas ng kanyang 3-pointer sa 4:49 mark ang deficit sa 84-65, at ang margin ay 96-80 papasok sa fourth, kung saan napanatili ng Houston ang momentum.
Raptors 131, Kings 128
Nagbuhos si RJ Barrett ng 31 points, kabilang ang 5 sa overtime, at kumalawit ng 9 rebounds upang pangunahan ang Toronto Raptors sa panalo laban sa Sacramento Kings.
Iniretiro ng Raptors ang No. 15 jersey ni Hall of Famer Vince Carter sa halftime ceremony.
Nagdagdag si Chris Boucher ng season-best 24 points para sa Raptors, na pinutol ang four-game losing streak.
Umiskor sina Ochai Agbaji at Gradey Dick ng tig-22 points, at nagtala si Jakob Poeltl ng 13 points at 9 rebounds bago na-foul out.
Tumapos si Domantas Sabonis na may 17 points, 20 rebounds at 10 assists para sa Kings, na naputol ang three-game winning streak. Nagposte si DeMar DeRozan ng season-best 33 points, umiskor si De’Aaron Fox ng 24 points at nag-ambag si Keegan Murray ng 16 points at 10 rebounds bago na-foul out. Kumabig si Malik Monk ng season-best 21 points mula sa bench.
Spurs 113, Timberwolves 103
Tumirada si Keldon Johnson ng season-high 25 points mula sa bench at nakalikom sina Jeremy Sochan at Chris Paul ng double-doubles upang pangunahan ang San Antonio Spurs kontra bisitang Minnesota Timberwolves.
Ang laro ay ikalawa sa home-road back to back para sa Timberwolves, na dumating sa Alamo City ng alas-ng 4:45 ng umaga noong Sabado.
Umabante ang San Antonio ng 5 points sa halftime at 13 matapos ang tatlong quarters at hindi hinayaang makabalik ang Timberwolves sa laro sa fourth period.
Nakopo ng Spurs ang ikalawang sunod na panalo at ang ikatlo sa nakalipas na apat na laro.
Nagdagdag si Sochan ng 19 points at 10 rebounds para sa Spurs, habang nagsalpak si Victor Wembanyama ng 17 points, nagposte si Chris Paul ng 15 points at 13 assists at gumawa si Harrison Barnes ng 14 points.
Sa iba pang laro, pinatiklop ng Oklahoma City Thunder ang Los Angeles Clippers, 105-92; pinataob ng Denver Nuggets ang Utah Jazz, 129-103; dinispatsa ng Miami Heat ang Washington Wizards, 118-98; at naungusan ng Cleveland Cavaliers ang Milwaukee Bucks, 114-113.