WARRIORS SA NBA FINALS

NAPANTAYAN ni Klay Thompson ang kanyang season playoff-high na may 32 points nang makopo ng Golden State Warriors ang Western Conference crown at umusad sa kanilang ika-6 na NBA Finals sa nakalipas na walong taon sa 120-110 panalo kontra Dallas Mavericks sa Game 5 nitong Huwebes sa San Francisco.

Ang 2015, 2017, at 2018 NBA champs ay magtatangka sa isa pang titulo sa best-of-seven NBA Finals, na magsisimula sa San Francisco sa June 2.

Nadominahan ni Kevon Looney ang boards na may game-high 18 rebounds upang tulungan ang  Warriors, sa ikalawang pagkakataon, na tapusin ang Mavericks, 4-1, sa  best-of-seven Western Conference finals.

Nagdagdag si Golden State’s Andrew Wiggins ng 18 points, tumipa si Draymond Green ng 17, umiskor si Jordan Poole ng 16 at nagtala si series Most Valuable Player Stephen Curry ng 15 points.

Kumubra si Luka Doncic ng 28 points at nakakolekta si Spencer Dinwiddie ng 26 para sa Mavericks, na bumanat ng 15-0 run sa huling bahagi ng third quarter upang makatanaw ng pag-asa makaraang malamangan ng hanggang 25 points.

Tunuldukan ni Poole ang run at tinapos ang  third period sa pamamagitan ng layup na nagbigay sa Golden State ng 94-84 bentahe. Nang simulan nina Wiggins at Green ang final quarter sa magkasunod na hoops, inumpisahan nang selyuhan ng Warriors ang kanilang tickets sa kanilang unang NBA Finals magmula nang matalo sa Toronto Raptors noong 2019.

Naitala ni Thompson ang walo sa kanyang 16 3-point attempts at bumuslo ng  12-for-25 overall na halos madoble ang kanyang naunang high sa  series, na 19 sa Game 3.

Ang kabuuang rebound ni Looney, kabilang ang pito sa offensive end, ay nakatulong sa Golden State para maitarak ang commanding 51-34 edge overall at14-6 advantage sa offensive boards.

Nagposte rin si Looney ng 10 points, ang kanyang ikalawang double-double sa series.

Nagtala rin si Wiggins ng double-double na may 10 rebounds at 18 points, habang nakakolekta si Curry ng 15 points at 9 assists.  Nagbigay si Green ng 9 assists at kumalawit ng 6 rebounds para dagdagan ang kanyang 2022 postseason-high point total.

Sa pagsalpak ni  Green ng anim sa kanyang pitong tira, ni  Poole ng anim sa kanyang walo at ni  Looney ng lima sa kanyang walo, na-outshoot ng Warriors ang Mavericks — 51.1 percent sa 45.1 percent.

Ang Dallas ay may bentahe sa 3-point scoring, salamat sa  5-for-7 ni Dinwiddie sa arc. Bumuslo ang Mavericks ng 17-for-42 sa 3-point tries, na-outscore ang Golden State, 51-42, mula sa 3-point area.

Nalimitahan si Doncic sa 10-for-28 shooting overall at 3-for-13 sa 3-point attempts tungo sa kanyang team-high point total. Nagdagdag siya ng team-high 9 rebounds at 6 assists.

Tumapos si Dorian Finney-Smith na may13 points at nagdagdag si Jalen Brunson ng 10 para sa Dallas, na natalo sa lahat ng tatlong laro sa Golden State sa series.