NAG-AMBAG si Keifer Sykes ng limang puntos sa 10-0 burst sa overtime na naging tuntungan ng short-handed Pacers upang gulantangin ang Golden State Warriors, 121-117, Huwebes ng gabi sa San Francisco.
Matapos ang 3-pointer ni Justin Holiday, may anim na segundo ang nalalabi sa regulation na naghatid sa laro sa extra session, namayani ang Pacers sa kabila ng pagkawala nina regular starters Domantas Sabonis, Malcolm Brogdon, Caris LeVert at Myles Turner.
Kumana si rookie Chris Duarte ng team-high 27 points para sa Indiana, na may pitong players na umiskor ng double figures.
Nagtala si Stephen Curry ng 39 points para sa Warriors. Bumuslo siya ng 6-for-16 sa 3-point attempts, subalit nagtuwang ang kanyang teammates ng 3-for-26 lamang mula sa long distance.
SUNS 109,
MAVERICKS 101
Kumubra si Devin Booker ng 28 points at 6 assists at nagdagdag si Chris Paul ng 20 points at 11 assists upang pangunahan ang Phoenix laban sa host Dallas.
Nakalikom si Jae Crowder ng 13 points para sa Phoenix na nakumpleto ang unbeaten five-game road trip at nanalo sa ika-8 pagkakataon sa kanilang huling siyam na laro.
Tinalo ng Suns ang Dallas para sa ika-9 na sunod na pagkakataon at ika-16 sa nakalipas na 19 paghaharap.
Nagsalansan si Luka Doncic ng 28 points, 8 rebounds at 8 assists para sa Mavericks, na naputol ang four-game winning streak at natalo sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa 12 games.
PELICANS 102,
KNICKS 91
Kumamada si Jonas Valanciunas ng 18 points at 10 rebounds upang pangunahan ang New Orleans na putulin ang five-game road losing streak sa pamamagitan ng panalo kontra New York.
Naiposte ni Valanciunas ang kanyang ika-31 double-double upang tulungan ang Pelicans na malusutan ang pagiging outrebounded, 48-35. Nagdagdag si Josh Hart ng17, subalit nalimitahan si Brandon Ingram sa 15 at mistulang na-tweak ang kanyang ankle sa second half.
Nakakolekta si Mitchell Robinson ng 17 points at 15 boards para sa Knicks.