WARRIORS TAOB SA MAGIC

ISINALPAK ni Mo Bamba ang go-ahead 3-pointer, may 52.2 segundo ang nalalabi, at ipinalasap ng host Orlando Magic sa Golden State Warriors ang ikatlong sunod na kabiguan sa pamamagitan ng 94-90 comeback victory Martes ng gabi.

Matapos ang bigong hamon ng coach ng Warriors para sa shooting foul, ipinasok ni Franz Wagner ang tatlong  free throws, may 13.2 segundo ang nalalabi para sa 92-88 kalamangan para sa Magic. Nagdagdag ang rookie mula sa Michigan ng isang dunk mula sa inbounds play pagkalipas ng ilang sandali para makumpleto ang scoring. Tumapos si Wagner na may 18 points.

Nagtala si Wendell Carter Jr. ng  19 points at 8 rebounds para sa Magic, na nanalo ng dalawang sunod. Nagdagdag si Cole Anthony ng 14 points, 5 rebounds at 5  assists.

Naiposte ni Jordan Poole ng Warriors ang 12 sa kanyang game-high 26 points sa third quarter na sinamahan ng 6 assists, at nag-ambag si Otto Porter Jr. ng 14 points at 15 rebounds. Nagsalpak si Klay Thompson ng pares ng 3-pointers at umiskor ng 15 points para sa Warriors, na nasa kanilang ikalawang laro magmula nang ma-injure ni star guard Stephen Curry ang kanyang kaliwang paa.

NUGGETS 127,

CLIPPERS 115

Nagbuhos si Nikola Jokic ng  30 points at 14 rebounds, tumipa sina Aaron Gordon, Jeff Green af  Bones Hyland ng tig- 16 at dinispatsa ng host Denver ang Los Angeles.

Tumapos si Monte Morris na may  15 points, at nagdagdag sina Austin Rivers ng 11 at Will Barton ng 10 para sa Nuggets, na natalo ng apat sa kanilang huling anim na laro.

Kumubra si Terance Mann ng 24 points at apat na  Clippers ang may tig-14 points  — Isaiah Hartenstein, Marcus Morris Sr., Reggie Jackson at Robert Covington. Ang Los Angeles ay natalo ng apat na sunod.

Sa iba pang laro, pinaamo ng Bucks ang Bulls, 126-98; at pinataob ng Hawks ang Knicks, 117-111.